ANG MGA tauhan na dati’y sa mga pahina lamang ng aklat nabubuhay, ngayon ay nakalaya na at masasaksihan sa pinilakang tabing.
Ganito mailalarawan ang naging kapalaran ng nobela ni Eros Atalia, propesor sa Faculty of Arts and Letters, na pinamagatang “Ligo na U, Lapit na Me,” isang best-selling book noong 2009.
Mula sa pagiging isang libro, isinapelikula ang kuwento at ipinalabas sa katatapos lamang na 7th Cinemalaya Independent Film Festival, isang pagdiriwang at kumpetisyon ng mga independently-produced films sa bansa.
Idinerehe ng isang sikat na direktor sa telebisyon at isa ring Tomasino na si Erick Salud, ang nobela ay ginawan ng manuskrito para sa pelikula ni Jerry Gracio, isang batikang manunulat at ipinroduce naman ng isang talent manager na si Noel Ferrer.
Inilalarawan ng Ligo na U, Lapit na Me ang kapusukan ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon.
Sa likod ng kamera
Nasorpesa si Atalia noong unang marinig mula kay Gracio ang balitang nais gawing pelikula ang kaniyang akda.
“Noong ginagawa ko ‘yung nobela, hindi sumagi sa isip ko na maraming magkakagusto sa kuwento hanggang sa sinabihan ako ni Jerry na interasado si Noel na gumawa ng pelikula mula sa Ligo na U, Lapit na Me,” kuwento ni Atalia.
Sa proseso ng pagsasapelikula ng nobela, masaya niyang ibinahagi na bagaman mayroong sariling aesthetic interpretation ang mga namumuno sa paggawa ng pelikula, halos walang nabago mula sa orihinal na teksto.
“Hindi mo naman talaga kayang ilagay lahat ‘yung nasa libro sa film. Pero nang mabasa ko ‘yung script, okay naman. At nung napanood ko, okay rin naman,” ani Atalia.
Bagaman hindi madalas naroon si Atalia sa mga araw ng shooting at mga press conferences ng pelikula, nakipagtulungan siya kay Gracio upang maging tapat ang pelikula sa libro.
“Pinatatawag ako nina Jerry at Noel, sa kung ano ‘yung nilalaman ng script na puwedeng ilabas sa screen na magiging tapat pa rin ba sa libro,” aniya.
Ang nobela ni Atalia ay umiikot sa pangunahing tauhan na si Intoy, isang ordinaryong mag-aaral sa kolehiyo na umiibig sa kaibigang si Jenny. Ngunit ang kanilang pagkakaibigan ay hindi pangkaraniwan—sila’y “friends with benefits.”
“Ito siguro ‘yung pelikula na puwedeng maka-connect sa pang-araw-araw na sensibilities ng mga estudyante at ng mga tao,” sabi ni Atalia.
Naging inspirasyon niya sa mga tauhan ng kaniyang nobela ang sarili niyang kinalakhang kapaligiran—karaniwang tao, buhay, at karanasan.
“Doon kasi ako lumaki, sa karaniwang sitwasyon. ‘Di ako lumaki sa subdivision, lumaki ako sa slum area. So ‘yung mga sensibilities dun, sensibilities ng karaniwang tao,” ani Atalia.
Unang pagkakataon
Ang pelikulang Ligo na U, Lapit na Me ay ang kauna-unahang pagsabak ni Salud sa mundo ng pelikula. Bagaman matagal na siyang nagdidirek para sa telebisyon, ang pelikulang ito ay kaniyang napili dahil sa nababagay nitong tema para sa kabataan ngayon.
“Ito lang ang pelikulang tamang-tama ang timpla sa kabataan ngayon. Makaka-relate sila. May pagka-‘daring’ ang pelikula pero hindi bastos. May rason kung bakit ganun ang pagkakagawa,” ani Salud.
Ikinuwento niya na sa tulong ng kaibigang producer na si Ferrer, natagpuan niya ang isang material na babagay sa karakter ng henerasyon ngayon.
“Noong nakaraang taon, pinabasa sa akin ni Noel ang nobelang ito. Kalahati pa lang ng pagbabasa, sinabi ko na gawan na ito ng script,” aniya.
Sa pagkakapanalo ni Salud sa Guillermo Mendoza Scholarship Foundation noong Mayo bilang Best Director para sa isa sa kaniyang mga TV series, kaniyang sinabi na “no pressures” ang paggawa niya sa pelikula at ginawa niya lang nang mabuti ang kaniyang trabaho.
Aniya, naging madali ang pag-aaral sa karakter nina Intoy at Jenny dahil sa tulong ni Atalia.
“Hindi naging madamot si Eros sa pagsasabi ng kaniyang mga saloobin sa dapat patunguhan ng mga characters nila Intoy at Jenny kaya mas lalong naging madali sa akin ang characterization nila,” ani Salud.
Sa pinilakang tabing
Para kay Ferrer, ang pagiging “napakagandang” materyal ng teksto ang nagtulak sa kaniya upang i-produce ang pelikulang ito.
Ayon naman kay Gracio, nais niyang maging tapat sa kuwento ng orihinal na teksto kaya’t kaniyang inayos ang timeline ng pelikula upang mas madaling maintindihan ng mga manunuod.
“Nahirapan ako dahil alam kong mas maraming mawawala sa pag-adapt ng nobela para sa pelikula kumpara sa pag-adapt ng maikling kuwento tungong pelikula. Iba ang istruktura ng kuwento—nagsisimula sa gitna, tapos flashback tapos flashback within a flashback, tapos babalik sa umpisa,” ani Gracio. “Ito ang reklamo ng Cinemalaya committee noong una dahil baka raw malito ang mga manunuod kaya nilagyan ko ng kaunting semblance ng timeline.”
Ang nobela ay punung-puno ng mga komentaryo ni Intoy tungkol sa iba’t ibang aspeto buhay. Pinanatili ni Gracio ito sa pamamagitan ng mga voice over sa pelikula.
“Aminado ako na madaldal ang pelikula at tagahanga ako ng mga pelikulang tahimik lang at visual. Ang totoo, sinubukan kong i-suggest kay Direk Salud na tanggalin ang ilang voice over para hindi maging madaldal, pero hindi nag-work ang pelikula at nawala ang punchline. Kaya wala kaming magawa kundi ilagay lahat ng voice over na nasa original script adaptation at galing sa aklat,” aniya.
Bilang napiling gumanap ng pangunahing tauhan na si Intoy, ibinahagi naman ni Edgar Allam Guzman ang isang aral na kaniyang natutunan sa pagganap sa pelikula.
“Siguro ‘wag masyadong bigay sa pagmamahal. Kasi ako na-experience ko yung sa pagmamahal, hindi ko na rin iniinda yung sarili ko. So ‘wag masyado kasi ‘pag nasaktan ka nang sobra, mahirap tanggapin. Kaya siguro ganun si Intoy. ‘Di siya marunong magmahal, natuto lang siya magmahal dahil kay Jenny. ‘Di man niya alam kung minamahal na siya o ginagamit lang,” aniya. Maria Arra L. Perez may ulat mula kay Patricia Isabela B. Evangelista