HINDI maipagkakaila na tunay ngang ang Pilipinas ang “call center capital of the world” dahil sa tinatayang 12 hanggang 13 bilyong pisong kita ng mga business process outsourcing (BPO) sa bansa at sa higit kumulang na 500,000 mga Filipino na nagtatrabaho sa mga call center.

Nagsimula ang pag-usbong ng industriyang call center sa Pilipnas noong 2006 at sa kasalukuyan, 80 porsiyento ng mga BPO sa bansa ay mga call center na nagbibigay-serbisyo sa mga consumer na nais magtanong ng impormasyon o humingi ng tulong ukol sa kanilang nabiling produkto.

Laganap sa industriyang ito ang paggamit ng iba’t ibang wika, partikular na ang wikang Ingles. Dahil dito, bagaman sinasabi na ang wikang Ingles ang tinaguriang pinakalaganap na wika sa daigdig, maituturing nga ba itong isang balakid sa pagpapalaganap ng pambansang wika?

Naniniwala si Imelda de Castro, guro ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters at dating tagapangulo ng Departamento ng Filipino, na nakaaapekto ang mga call center sa pagpapalaganap ng wikang Filipino.

“Siyempre naaapektuhan ang wikang Filipino sapagkat hinihikayat nito ang paggamit ng wikang Ingles kaysa wikang Filipino. Kaya sa halip na tumaas ang antas ng wikang Filipino sa pakikipagtalastasan, mas nagiging prayoridad ang [paggamit ng] wikang Ingles,” aniya.

Ngunit hindi naman nais pigilin ni De Castro ang paggamit ng wikang Ingles. Sa katunayan, ayon sa kaniya, malinaw pa ngang isinasaad sa Artikulo 14 Seksyon 6 at 7 ng Saligang Batas na bahagi ang Ingles sa opisyal na wika ng bansa.

“Hindi naman normal kung ipagbabawal ang Ingles. Multilingual pa nga ang hinihikayat sa ating bansa—mas mainam kung mas marami ka pang nalalamang wika,” aniya.

READ
Gamilla, nagbitiw sa Faculty Union

“Kung nakaaapekto man ito (call centers), mas binibigyang-halaga pa rin naman natin ang pagkakakitaan ng mga mamamayan. Kung dito lang maaaring kumita ang ilang mga Pilipino, maaari naman nating isantabi ang wika,” ani De Castro.

Buhay ang wikang Filipino

Ayon naman kay Candelaria Cui-Acas, chief language researcher sa Information and Publication Department ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), walang epekto ang mga call center na ito sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sapagkat magkaibang-magkaiba ang dalawang industriyang ito.

“Ang mga call center ay may sariling layunin at tiyak na hindi ito ang pagpapaunlad ng wikang Filipino, kaya’t hindi naman mabigat ang epekto nila sa ating wika. Ang pagsasalita ng Ingles ay nararapat pa ring matutunan sapagkat ito ay isang internasiyonal na pangangailangan—ibang-iba sa Filipino, na ating pambansang wika,” ani Cui-Acas.

Sa pahayag niyang ito, ipinaliwanag niya ang tunay na estado ng wikang Ingles sa bansa.

“Ang wikang Ingles at ang iba pang mga wika na sinasalita sa Pilipinas na natutunan lamang natin sa labas ng tahanan ay maituturing na second language. Sa kabilang banda, ang mga wikang sinasalita natin sa ating tahanan mula’t mula pa?Ilokano para sa mga taga-Ilocos, Kapampangan para sa mga taga-Pampanga?ay ang ating first language. Mananatiling ang Filipino ang ating pambansang wika,” ani Cui-Acas.

Hindi maaaring magtakda ang KWF o anumang ahensiya sa wika ng nararapat na gawin ng mga call center upang hindi lubusang makaapekto sa wika sapagkat ang mga kompanyang ito ay pribado at may mga sariling alituntunin. Ang tanging magagawa lamang ng mga nagsusulong sa wikang Filipino ay magmungkahi.

READ
Resigned dean still plans to teach in Archi

“Hindi natin masasaklaw ang call center dahil sila ay may mga sariling pamamahala. Siguro, ang magagawa natin ay magmungkahi na lamang na kung maaari, sa mga transaksiyong dito sa Pilipinas naman ginagawa, ay gumamit ng wikang Filipino,” aniya.

Dagdag pa ni Cui-Acas, sa 90 milyong populasyon ng Pilipinas ngayon, 85 porsiyento rito ang marunong magsalita ng wikang Filipino. Ngunit sa gitna ng mataas na porsiyento na ito, nananatiling suliranin pa rin ang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan ng wikang Ingles.

“Ang tunay na suliranin ay ang sistema ng edukasyon ng bansa na patuloy na itinuturo sa wikang Ingles—95 porsiyento nga ng mga pribadong paaralan ay nagpapatupad ng ‘speak English only campaign.’ Imbes na wikang Ingles lamang, dapat pinaiiral ang paggamit ng bilingual na sistema ng edukasyon kung saan parehong ginagamit ang mga wikang Filipino at Ingles,” ani Cui-Acas.

Taliwas sa inaakala ng iba, ang kawalan ng kahusayan ng mga Pilipino sa pambansang wika ay walang kinalaman sa pagpapakalat ng wikang Ingles.

“Batay sa aking naging pananaliksik sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, hindi totoo na ang Filipino ang may kasalanan kung bakit nahihirapang mag-Ingles ang ilang Pilipino. Hindi rin ang wikang bilingual ang dapat sisihin. Ang una at tunay na sanhi ng hindi pagiging bihasa ng mga Pilipino sa wikang Ingles ay ang kakulangan sa kahusayan ng mga gurong nagtuturo ng Ingles as a medium [of instruction]. Halimbawa na rito ang isang gurong kapag nauutal sa pagsasalita ng Ingles ay biglang gumagamit ng Filipino, o ang tinatawag na language shifting,” ani Acas.

READ
Ched affirms UST's autonomy, says Corona's Ph.D. legitimate

Bilang tugon dito, masosolusyunan ang problemang ito sa pamamagitan ng paggamit ng mas simpleng mga salita sa pagtuturo, aniya.

Dagdag pa ni Cui-Acas, ang Filipino ay patuloy na nakikipagkompitensiya sa wikang Ingles. Sa paraang ito ay nakikipagsabayan ito sa ikalawang wika ng bansa.

“Hindi man ito maaaring maituring na manalo-matalong sitwasyon, masasabi kong lalong sumisigla sa panahon ngayon ang Filipino. Patuloy itong ginagamit ng mga nakararami sa sari-saring larangang gaya ng ekonomiya, negosyo, at industriyalisasyon sapagkat alam nilang sa sariling wika maaabot ang puso ng sambayanan,” ani Cui-Acas.

Bilang pagsang-ayon dito, ayon kay Liberty David, supervisor ng isang call center company sa Rizal, walang epekto ang mga call center sa pagpalaganap o pagpapahina ng wikang Filipino dahil paggamit ng wikang banyaga ay bahagi ng kalikasan ng call center industry.

“Karamihan sa mga call center sa ating bansa ay nagbibigay-serbisyo sa mga bansang ang pangunahing wika ay Ingles. Nararapat lamang na gumamit kami ng tamang wika sa sitwasyong iyon,” aniya.

Hindi apektado ang wikang Filipino ng mga call center dahil ginagamit lamang nila ito sa trabaho.

“Walang epekto ito sa pagpapaunlad ng wikang Filipino sapagkat sa trabaho lamang naman namin ito ginagamit. Magkaibang industriya ang call centers at pagpapakalat ng wikang Filipino. Ang paggamit ng Ingles ay hinihingi ng aming trabaho, kaya’t nararapat lamang na sundin nila ang patakarang ito,” ani David. Maria Arra L. Perez

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.