ANG PAGPAPAUNLAD ng isang bayan sa kaniyang sariling wika ay mayroong tiyak at malaking epekto sa kasalukuyang ekonomiya nito.

Ngunit ano nga ba ang kaugnayan ng wikang pambansa sa kasalukuyang ekonomiya ng bansa?

Sa naganap na isang pulong, na pinamagatang “Pagpaplanong Pang-wika, Pagpaplanong Pang-ekonomiya” noong Agosto 18 sa AMV-College of Accountancy multi-purpose hall, ang tanong na ito ang naging sentro ng talakayan ng mga eksperto sa wika at ekonomiya.

Ang panauhing pandangal ng nasabing pangyayari ay si Jose Laderas Santos, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), kasama ang dalawa pang mga komisyoner ng KWF na sina Bernard Macinas mula Bicol at Vilma Tacbad mula Pampanga.

Kinatawan naman ni Tereso Tullao, guro ng ekonomiks sa De la Salle University, ang diskursong pang-ekonomiya. Bagaman hindi nakarating, nagpadala ito ng kinatawan upang ipahayag ang kaniyang panig.

Ang pumalit kay Tullao na si Christopher Cabuhay, isang mag-aaral ng ekonomiks sa La Salle, ang nagsaad ng reyalidad na hindi na maiwasan ang paggamit ng Ingles sa pakikipagtalastasan sa mundo ng ekonomiya.

“Ang wika ay isang pamamaraan ng paggawa ng transaksiyon. Dito, hindi tayo makagagawa ng kahit anong transaksiyon kung hindi tayo magkakaintindihan dahil lahat ng nangyayari sa ating ekonomiya ay nakabase sa ating pagkakaintindihan. Kung papansinin naman talaga natin, ang programang pang-ekonomiko pati ang mga batas ay nakalimbag at nakasalin sa Ingles,” ani Cabuhay.

Ibinahagi rin niya na ang Ingles at Filipino ay hindi magkaaway kung hindi magkatulong sa pagpapatakbo ng ekonomiya. Inilatag niya ang mahalagang papel ng Ingles sa mundo ng ekonomiya tulad ng pang-unawa ng mga konseptong abstract, paggamit ng mga paraang holistiko, pag-aayos ng mga simbolo, at pagtatrabaho sa mga dayuhang kompaniya.

READ
'Virgin Mary most effective weapon against the devil'

“Kapag walang transaksiyon, walang ekonomiya at kung isiipin natin, kung walang lipunan, walang transaksiyon, wala tayong ekonomiya. . . Ang susunod na pangunahing papel ng wika ay bilang isang instrumento sa globalisasiyon tungo sa mga panlipunang layunin o mga social objectives,” ani Cabuhay.

Ibinahagi rin niya na isang importanteng salik sa paglago ng ekonomiya ay ang paggamit ng wika na maiintindihan ng mga maralita at sa ating bansa at wikang Filipino ang kailangan na gamitin sa pakikipagtalastasan upang mahikayat ang mas maraming tao na sumali sa mga transaksiyon ng ekonomiya.

Wika: Sandata para sa kaunlaran

Binigyang-diin naman ni Santos ang kahalagahan ng wikang pambansa sa mga araw-araw na gawain ng mga Pilipino.

“Ako’y tinanggap dahil sa wika. Sa mahabang paglakad ng panahon, natuto akong magsulat. Nagsulat ako ng komiks, ano ang aking inilapit sa ama ng industriya ng komiks? Wika. Sabi ko matututo akong magsulat ng komiks bigyan niyo lang ako ng manuskrito, gagamitin ko ang wika. Ako ay natanggap at nakapagsulat at namuhay. Ano ang ginamit? Wika,” aniya.

Dagdag niya na ang paggamit niya ng wikang Filipino ang naging paraan upang mailuklok siya sa posisyon ng tagapangulo ng KWF noong 2008 ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Bukod sa pagiging sandata ang wika, binigyang-kahulugan ni Santos ang wika bilang “kaluluwa ng ating pagkatao at isang biyaya.” Ito, ayon sa kaniya, ang natutunan niya kay Carlo J. Caparas, isang kilalang manunulat ng Filipino komiks.

Idiniin din ni Santos na ang mahusay na paggamit sa wika ay magdadala sa tao sa rurok ng tagumpay.

“Ang sinuman na gumagamit ng wika ng mahusay ay nakatitiyak ng katuparan ng ating pangarap. Walang sinuman na gumamit ng wika sa pinakamahusay na paraan ang nabigo. Ang pinakamagagaling na tao sa buong mundo at ang pinakamagagaling na tao sa bawat bansa, tiyak po ay mahusay na gumamit ng wika,” ani Santos.

READ
Tatlong Mundo

Ayon sa isang komisyoner na si Macinas, ang wika ay sumisimbolo ng ating lahi at kultura.

“Tunay na mahalaga ang papel na ginagampanan ng wika [dahil] ito ay nagsisilbing simbolo ng lahi, kultura ng bansa at sumasagisag na ang bansa ay malaya. Ang bawat bansa ay may sariling wika na ginagamit upang magsilbing daan tungo sa landas ng pagkakaisa, pagkakaunawaan at pagmamahal,” ani Macinas.

Filipino laban sa Ingles

Para naman kay Tacbad, bagaman Ingles ang wika ng komersyo, hindi pa rin ito ang susi sa kaunlaran ng bansa.

Pinagtibay niya ang kaniyang paniniwalang ito sa pagbibigay ng mga halimbawa ng mga bansang mayayaman gaya ng Japan, Thailand, at Hong Kong na maunlad bagaman hindi naman sinasanto ang wikang Ingles.

“Ang Japan ang isa sa pinakamayamang bansa sapagkat ginagamit nila ang wikang sarili. Hindi ginamit ng Japan para umunlad ang wikang Ingles,” ani Tacbad.

Ibinahagi rin niya ang isang parirala tungkol sa pagpapalakas ng wikang Filipino mula sa sanaysay ni Conrado de Quiros na nagsasabing ang pagnanais natin palakasin ang wikang Filipino ay hindi nagsasantabi sa pagnanais din na palakasin ang wikang Ingles ngunit bilang pangalawang lengguwahe lamang.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.