WALANG nakikitang hangganan ang pagpapaunlad ng wika sa bansa.
Ito ang ipinabatid ng Ambagan: Kumperensiya sa Paglikom ng Salita Mula sa iba’t ibang Wika sa Filipinas na ginanap mula Setyembre 14 hanggang 16 sa College of Arts and Letters sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.
Ang Ambagan ay isinasagawa tuwing dalawang taon. Pinagyayaman ng kumperensiya ang iba’t ibang mga wika sa Filipino sa pamamagitan ng pagsangguni sa balarila’t leksikon ng mga wika sa bansa.
Sa taong ito, itinatampok sa Ambagan ang mga wikang Ilokano, Kapampangan, Bikol, Tagalog-Batangas, Kankana-ey, Higaonon, Mansaka, Hiligaynon, Aklanon, Tagalog-Laguna, at Kinaray-a.
Isinalaysay ni Michael Coroza, direktor ng kumperensiya, ang adhikain ng pagpupulong na makalikom ng mga salita mula sa iba’t ibang wika sa bansa at matalakay ang kahulugan, kasaysayan, at gamit ng salita, pati na ang kahalagahan nito upang mailahok sa korpus ng wikang pambansa.
Si Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, ang pormal na nagbukas ng kumperensiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng talumpati ukol sa kasalukuyang kalagayan at pag-unlad ng wika.
“Ang pangunahing problema ng Filipino bilang wikang pambansa ay kung paano at kung kailan makukumbinsi ang ‘lipunang wángwang’ na kailangan nila ito,” aniya.
“Dahil walang pangkalahatang planong pambansa, maraming naaaksayang salapi, panahon, at talino sa mga saliksik at seminar na walang kaugnayan sa paghubog ng Filipino bilang wika ng karunungan,” dagdag ni Almario.
Paglulunsad ng mga salita
Sa unang araw ng kumperensiya, inihandog nina Cles Rambaud at Ariel Tabag ang mga salitang Iluko na maaaring ibilang sa korpus ng wikang Filipino. Ayon sa kanila, tiyak na makakikita ng terminong Iluko na hindi tuwirang maisalin o mabigyan ng eksaktong kahulagan sa wikang Tagalog kahit hindi naman nagkakalayo ang mga kultura nito. Bilang tugon, ibinigay ng mga tagapagsalita ang maaaring katumbas na salita ng ilan sa mga ito sa wikang Tagalog.
Kabilang sa mga salitang ito ang “kabus” (kabilugan ng buwan), “murmuray” (panunumbalik sa normal ng mga sentido pagkagising), at “kibin” (magkahawak-kamay habang naglalakad).
Ayon pa kina Rambaud at Tabag, ang mga salitang nais iambag sa wikang Filipino ay mula sa mga nailimbag na obra ng mga Ilukong manunulat sa magasing Bannawag at sa mga librong inilathala ng GUMIL Filipinas, isang publikasyong Iluko.
Naroon din si Lucena Samson na nag-ulat tungkol sa kasaysayan at kultura ng Pampanga at ng wika dito. Ilan sa mga salitang ito ay ang “mánúcluan” (iskwater), “tángî” (pag-aaring nakuha sa panahon ng pagpapakasal ng mag-asawa), at “síbul ning lugud” (walang hangganang pagmamahal).
Inilarawan ni Samson ang kagandahan ng wikang Kapampangan at ang patuloy nitong maiaambag sa wikang Filipino.
“Isa sa mga pangunahing wika ng Pilipinas ang Kapampangan. Masasabing patuloy pa rin itong nililinang ‘pagkat nanatiling buhay ito sa mga Kapampangang mananaliksik at dalubwika… Katulad ng marami pang wikang nagtataglay ng kakaibang katangian, ang wikang ito ay tiyak na makapag-aambag rin sa pagyaman ng ating talasalitaan.”
Bago natapos ang unang araw, nagbigay si Kristian Cordero ng mga salitang Bikolano gaya ng “hablóndawani” (bahaghari), “tuntón-balagón” (alitaptap), at “mangíndara” (mga sirena sa lawa).
Sa ikalawang araw, ang presentasyon ng mga salitang Tagalog-Batangas ay inilunsad ni Renerio Concepcion. Isinalaysay niya ang mga katangian ng wika ng Batangas at ang kaibahan nito sa ibang mga wika sa bansa.
“Nasa malimit na pataas-tono ng puntong Batangas ang matitinding damdamin. Sinasabi pa ngang ang isa sa mga pekulyaridad ng salitang Batangas kapag winiwika na ay ang matitigas na diin habang pumupunto ang nagsasalita,” ani Concepcion.
Ilan sa mga iniambag niya ay ang mga salitang “baysánan” (kasalan), “hímatlúgin” (nanghihina ang katawan), at “malì-malì” (magugulatin).
Si Ruth Tindaan naman ang nagprisinta ng mga salitang Kankanaey tulad ng “gait” (kasama), “benge” (palamuti sa buhok ng mga kababaihan), at “inayan” (pagpigil sa isang tao sa paggawa ng isang bagay at pangalawa ito ay isang ekspresyon na nagpapahayag ng pagkadismaya).
Ipinakilala naman ni Rosario Butron-Dizon ang mga salitang Higaonon tulad ng “kaamulan” (piyestang kultural), “búuy” (lola sa tuhod) at “kapú-un” (pinagmulan ng lahi).
Ang mga salitang Mansaka ay inihandog naman ni Marilyn Arbes sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang impormasyon ukol sa mga lugar na gumagamit ng naturang wika.
“Isa sa mga katutubong nagtataglay ng sariling kultura at may wikang nagagamit sa pakikipagkomunikasyon ay ang tribu ng Mansaka na matatagpuan sa Rehiyon XI partikular na sa mga lalawigan ng Comval Province, Davao del Norte, Davao del Sur at Davao Oriental,” aniya.
Ang mga salitang “takláy” (pulseras), “búnong” (pagbibinyag), at “bayók” (pagsasalaysay ng mga pangyayari sa nakaraan) ang siya namang mga iniambag ni Arbes sa wikang Filipino.
Sa pagtatapos ng ikalawang araw, ibinahagi ni John Teodoro ang mga salitang Hiligaynon na kinabibilangan ng “pangayaw” (dayuhan) at “inday” (pantawag ito sa mga mahal mo sa buhay na babae katulad ng kapatid, asawa, anak, pamangkin, at kahit na malayong kamag-anak).
Idinulog naman ni John Barrios ang mga salitang Aklaonon sa ikatlo at huling araw ng kumperensiya. Halimbawa na rito ang mga salitang “ílis” (palitan), “panakáyon” (biyahe) at “panáad” (pangako).
Ang mga lahok mula sa Tagalog-Laguna ay ipinahayag naman ni Edgar Samar, tulad ng “kinís” (magkasabay na pamumula’t pamamawis), “waswás” (ubos na ubos) at “himpíl” (paghuhugas ng pinggan).
Sa pagtatapos ng tatlong araw na kumperensiya, isinalaysay ni Genevieve Asenjo ang mga salitang mula sa wikang Kinaray-a. Pinatunayan niya na kahit na hindi gaanong bantog ang wikang ito, ang Kinaray-a ay patuloy sa pag-unlad.
“Masasabi ko na nakaahon na sa panahon ng 'inferiority complex' ang Kinaray-a…Lumalakad ito sa kasalukuyang panahon, kahit pa ba hinay-hinay, na may kamalayan sa kaniyang maragtas, mulat sa kanyang konteksto, at nakikisali, sumusugal, sa mga posibilidad ng pag-aakda ng bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng sarili nitong pampanitikan-wika-kultural na infrastraktura,” aniya.
Iniambag ni Asenjo sa wikang Filipino ang mga salitang Kinaray-a gaya ng “búngkag” (paghiwalayin), “pìnàlínpín” (palay na walang laman) at “pásí” (trumpo).
Salita ng taon
Kasabay ng kumperensiyang ito ang pagbubukas ng “Sawikaan 2012,” isang malikhaing timpalak na naglalayong maglikom ng bago man o lumang mga salita na nakapukaw at namutawi sa pambansang guniguni o nakaapekto nang malaki sa mga usaping pampolitika, panlipunan, pang-ekonomiya, at iba pang aspekto ng buhay-Filipino sa loob ng nakaraang isa o dalawang taon.
Noong 2004, nanalo ang salitang “canvass,” “huweteng” noong sumunod na taon, “miskol” noong 2007, at “jejemon” noong nakaraang taon.
Tulad ng Ambagan, adhikain ng Sawikaan na mapalawak ang korpus ng wikang Filipino. Jonah Mary T. Mutuc at Maria Arra L. Perez