SA PAGTUTULUNGAN ng Departamento ng Filipino at ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF), sampung saliksik na tumatalakay sa wikang Filipino at mga usaping kultural ang tinalakay sa ikatlong taon ng “Saliksikan” na ginanap noong Agosto 2 sa multi-purpose hall ng UST Alfredo M. Velayo-College of Accountancy.
Pangunahing layunin ng PSLLF, na itinatag noong 2008, na itaguyod ang mahusay na paggamit ng wikang Filipino sa edukasyon at mga saliksik.
Sa kumperensiya, isa sa mga mananaliksik na nagbahagi ay si Elenita Mendoza, propesor sa Accountancy. Ayon sa kaniya, sa saliksik niyang “Pagsasalin ng mga Termina sa Akawntans,” ang pagsasalin ng mga wikang banyaga sa wikang Filipino ay mayroong mga sinusunod na antas.
“Sikaping maghanap ng katumbas ng salitang banyaga sa wikang Filipino. Kung wala, ihanap ito ng katumbas sa wikang rehiyonal,” ani Mendoza. “Maaaring maghanap sa wikang Kastila kung 'di makatagpo ng salitang Filipino o rehiyonal. Kung wala pa rin, hiramin ang tunog sa Ingles at baybayin sa Filipino ang salita.”
Ilan sa mga ibinigay niyang halimbawa ng mga isinalin na salita ay “pagkakautang” (liabilities), “publisidad” (publicity), at “asset” (asset). Gayunman, mayroon pa ring mga salitang hindi maisasalin, tulad ng “brainstorming” at “broker,” pag-amin niya.
Tinalakay naman ni Crizel Sicat, propesor sa Faculty of Arts and Letters, ang temang feminismo sa mga akdang panitikan sa kaniyang saliksik na “Manika, Kusina, Laruan at Inang Bayan: Pagdukal sa Wikang Mapagpalaya ng Kababaihan sa mga Piling Tulang Femenista.”
Ayon sa kaniya, sa “Sa ngalan ng Ina, ng Anak, at ng Diwata’t Paraluman” ni Lilia Quindoza Santiago, binanggit na ang pag-uugnay ng mga layunin ng kilusang feminista sa paghahangad ng kalayaan ng sambayanan ay nakatutulong upang magkaroon ng pantay na pagtingin pagdating sa usapin ng kasarian.
Ilan pa sa mga akdang binaggit ni Sicat ay “Ang Pagiging Babae ay Pamumuhay sa Panahon ng Digma” ni Joi Barrios, “Babae Kami” ni Marra Lanot, “Regla” ni Ruth Elynia Mabanglo at “Bago ang Babae Redux” ni Rebecca Añounevo.
Ayon naman kay Jonathan Geronimo, propesor sa College of Commerce, sa kaniyang saliksik na “Maka-Pilipinong Pagsusuri sa Limang Tula Gamit ang Apat na Batayang Konseptuwal sa Pagtuturo ng Panitikan ni Florentino Hornedo,” mahalagang kilalanin ng mambabasa ang may-akda upang mas maunawaan ang binabasang teksto.
Ang iba pang mga tinalakay na saliksik mula sa iba pang dalubhasa ng wika ay “Ang Konsepto ng Bayan sa Awiting Liturhiya” ni Praksis Miranda, propesor sa College of Science; “Isang Pagsusuri sa Edukasyong ‘Di Pormal ng mga Katutubong Agta sa General Nakar, Quezon Gamit ang SWOT Analysis” ni Reynelene Bren Zafra, propesor sa Faculty of Engineering; “Ang Synectics bilang Pangunahing Pamamaraan ng Pagtuturo ng Panitikan sa Kolehiyo ng Malayang Sining” ni Felicidad Pereña ng Artlets; “Loob—Buhat sa Paghina, Pagkawala o Pagkasira, Hanggang sa Pagbabalik: Isang sipat sa Pilipinong sikopatolohiya’t sikoterapiya” ni Roberto Javier ng De La Salle University Manila; “Paghahanda at Pagtataya ng Workteks sa Ikatlong Baitang Gamit ang Kinaray-a: Tugon sa Kurikulum ng K-12 at MTB-MLE” ni Jessie Satubal ng Brent International School Manila; at “Pagtikim sa Tamis at Anghang ng mga Awit ni Gary Granada: Tematikong Pagsusuri sa Kaniyang mga Komposisyon mula 1878-2000” ni Joel Malabanan ng Philippine Normal University.
Bagong pamunuan
Isinabay sa kumperensiya ang panunumpa ng bagong pamunuan ng PSLLF, sa pamumuno ni Aurora Batnag bilang pangulo ng samahan.
Ayon kay Batnag, ipagpapatuloy niya ang mga taunang seminar na isinasagawa ng organisasyon.
Kasamang nanumpa ni Batnag sina Lakandupil Garcia, pangalawang pangulo; Alvin Ringgo Reyes, kalihim; Emma Sison, ingat-yaman; Candelaria Cui-Arcas, auditor at; Patrocinio Vaillafuerte, direktor-tagapagpaganap. Jonah Mary T. Mutuc