SA PANAHON kung saan ang lahat ay mabilis at nagmamadali, isang anyo ng panitikan ang muling umuusbong.
Ayon kay Eros Atalia, propesor ng Filipino sa Unibersidad, ang dagli o flash fiction ay isang panitikang nagsimulang lumaganap noong unang dekada ng kolonyalismong Amerikano na nailalathala noon sa mga tabloid at diyaryo at napagkakasya sa limitadong espasyo dahil sa maikli lamang ang mga ito.
Ngunit ang konsepto nito ay hindi malinaw dahil ito ay maaaring nasa anyo ng editoryal, balita, komentaryo o isang malikhaing akda.
Para kay Rolando Tolentino, dekano ng College of Mass Communication sa Unibersidad ng Pilipinas, may kinalaman ang social media sa muling pagsikat ng dagli dahil sa kawalan ng interes ng karamihan sa pagbabasa ng mahahabang nobela o anumang sulatin na nangangailangan ng mahabang oras para basahin.
Dagdag pa niya, mas kaunti na ang oras na inilalaan ng mga tao sa pagbabasa kaya “kinakailangang mas maging tiyak ang dating ng akda sa kanila.”
Ngunit iginiit naman ni Atalia na nasa panahon man tayo kung kailan lahat ay nagmamadali, hindi ito dahilan upang tamarin ang mga tao na magbasa, lalo na’t sinasalamin ng dagli ang mga kasalukuyang isyu ng lipunan sa iilang salita lamang.
“Sadyang tumutugon ang dagli sa hamon ng panahon kaya naman sa muling pag-usbong nito, mas naging mapanghamon ang tema kumpara sa mga nauna nang mga sulatin,” aniya.
Sa introduksyon ng librong “Ang Dagling Tagalog 1903-1936” na isinulat ni Tolentino at ni Arisotle Atienza, propesor ng Filipino sa Ateneo de Manila University, na naglalaman ng lupon ng mga dagli mula sa samu’t saring lokal na pahayagang nailimbag sa Pilipinas mula 1900 hanggang 1940, tinalakay ang ilan sa mga uri ng dagli na kadalasang makita noon.
Una na rito ang “katamisan ng pag-ibig” na pagpapahiwatig ng pag-ibig sa paraluman o sa harap ng mambabasa na ginagamitan ng mga alyas ng mangingibig upang maiwasan ang mahalay na dating.
Pagsasalarawan naman sa mga pulitikal na isyu ang ikalawang uri ng dagli, na siyang kinabibilangan ng mga tema ng korapsiyon, transisyon sa bagong burukrasiya, bisyo tulad ng pagsusugal at iba pang isyung panlipunan na laganap sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa bansa.
Sinasabi namang may makabayang layon ang ikatlong uri ng dagli—ang direktang naglalantad ng makabayang kaisipan at umaatake sa kolonisasyong Amerikano, na naging pangunahing dahilan kung bakit itinigil ang paglilimbag ng mga dagli noon.
“Noong panahon ng administrasyong Komonwelt, naghigpit ang pamahalaan ukol sa pagbibigay ng mga komentaryong pulitikal,” ani Tolentino. “Ito ang nagbunsod kaya unti-unting natigil ang paglalagay ng dagli sa mga pahayagan.”
Dahil na rin daw sa kawalan ng mga mambabasa, tuluyan nang nabura sa lokal na panitikan ang dagli.
Ayon kay Atalia, mula pa noon ay wala nang malinaw na kahulugan kung ano ba talaga ang dagli
“Hibla lamang ng isang buong kuwento ang dagli,” aniya. “Kung ang nobela ay mayroong masalimuot na paksa at banghay, maraming mga tauhan at mayroong single na kuwento at ekspresyon, pinag-isa naman ang lahat ng ito sa isang dagli,” aniya.
Habang ang dagli ay kadalasang binubuo lamang ng humigit kumulang tatlondaan hanggang isanlibong salita sa ibang bansa, iba-iba ang kahulugan ng dagli sa Pilipinas at nananatiling hindi tiyak kung gaano ito kaiksi o kahaba.
May kadalasang “template” na makikita sa isang dagli: Una, sa gitna o kung kailan malapit nang matapos ang kuwento ito nagsisimula; ikalawa, naglalaman ito ng matinding aksyon, emosyon at pagsasalarawan; at huli, palagi itong may kabig sa dulo.
Iginiit din ni Atalia na kaiba ang dagli sa ibang anyo ng panitikan sapagkat ito ay nag-iiwan ng impresyon sa mga mambabasa at siya mismo ang kumukumpleto sa anumang hindi nabanggit sa rito.
“Kadalasan, ‘yung mga mambabasa na ang nagsusuplay ng hindi nababanggit sa dagli,” aniya. “Nagtitiwala ‘yung sumusulat ng dagli sa kakayanan ng mga mambabasa na punan ang hindi nasasabi sa teksto.”
“Kapag hindi nakuha ng mga mambabasa mo, lalo na kapag magagaling sila at hindi nila nakuha yung kwento, nabigo ang ginawa mong dagli,” dagdag ni Atalia.
Ayon sa libro nina Tolentino at Atienza, nabubuhay ang substansiya ng dagli sa panktuwasyon at periodisasyon, sa serialidad at isahang buga ng kasalukuyang produkto sa gawi ng pambansang pamahalaan at elektronikong media.
Sinabi rin ni Tolentino na malaki ang epekto ng panahon sa nagiging istilo o tema ng anumang anyo ng sulatin sa panitikan.
“Umaangkop ang dagli o anumang istilo ng porma ng panitikan sa politika ng panahon batay sa politikal na ekonomiya ng paglalathala,” aniya.
Maliban sa librong nailathala nina Tolentino at Atienza, isa pang halimbawa ng librong koleksyon ng mga dagli ay ang “’Wag Lang Di Makaraos” ni Atalia na naglalaman ng isandaang dagli.
Sa kabila nito, walang katiyakan kung hanggang kailan tatangkilikin ng mga mambabasa ang dagli.
“Hindi puwedeng sabihin na sa ganitong direksyon tayong lahat kasi walang nagsabi na magsulat tayong lahat ng dagli,” ani Atalia.
Sinabi niya na ito ang kagandahan sa panitikan—kaya nitong patayin ang sarili upang magbigay daan sa panibagong genre o panibagong porma. Tumutugon ito sa kung ano ang napapanahon at hindi ito ipinipilit sa kamalayan.
“Sa ayaw man o sa gusto natin, kung may sarili itong (panitikan) daan, gagawa ito ng paraan para mabuhay kahit mahirap,” aniya.