BAGAMAN wika ng pangkalahatan, nakapagtataka na hirap pasukin ng wikang Filipino ang dominyo ng kapangyarihan sa ating mismong bayan gayong nagsisilbi naman itong instrumento upang higit na makapag-isip, maihayag, at maintindihan ng bawat mamamayang Filipino ang kani-kanilang saloobin nang walang pag-aalangan sa gramatika at ortograpiya ng dayuhang wika.
Ito ang argumentong naging sentro ng talakayan ni Roberto T. Añonuevo, batikang manunulat, sa kaniyang akdang “Filipino Sa Dominyo ng Kapangyarihan” (UST Publishing House, 2010).
Isa itong kalipunan ng mga sanaysay at diskurso patungkol sa mga isyung kinahaharap hindi lang ng wikang Filipino kung hindi pati ng mga ahensiya, kagawaran, at mga awtoridad na sangkot dito.
Ayon sa kaniya, “Binubuksan ng aklat na ito ang mga usapin sa wikang Filipino mula sa antas ng pambansang patakaran at programa hanggang sa antas na indibidwal na pagdulog, ngunit ang maganda’y tinumbasan ang bawat talakay ng masusing saliksik, matalisik na pagtanaw, at masinop na pagsulat sa panig ng awtor.”
Kabilang sa mga pinaksa sa kaniyang libro ang kasaysayan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF); mga panukalang batas at patakarang pangwika; pananaliksik sa mga lalawigang wika; ortograpiya at jejemon; pagsasalin at pagbabago sa sistema ng produksyon ng mga teksbuk; at ang paggamit ng Filipino sa paaralan, hukuman, negosyo, at iba pang dominyo ng kapangyarihan.
Maka-ilang beses binigyang-diin ni Añonuevo ang kahalagahan ng wikang Filipino sa timbangan ng usapan at pagkakaunawaan. Para sa kaniya, ito ang nagiging tulay at pang-ugnay sa mga taal na wika sa Pilipinas.
Ginamit niyang halimbawa ang naging pahayag ni Pangulong Manuel L. Quezon sa Unang Asemblea noong Oktubre 27, 1936, kung saan “sinabi niyang ‘hindi na dapat ipinaliwanag pa, na ang mga mamamayang may isang nasyonalidad at isang estado ay ‘dapat magtaglay ng wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat.’”
Para kay Añonuevo, higit na mapabibilis ang pagkatuto ng mga bata kung gagamitin ang Filipino o anumang kaugnay na lalawigang wika dahil may konseptong matalik sa kanilang puso at lugar ang mga ito.
Aniya, “Ang Filipino ay isang natatanging paraan ng pagsagap sa daigdig, ngunit paraan din kung paano titingnan ng mamamayang Filipino ang kaniyang sarili at ang kaniyang bansa.”
Masasabing epektibong nailatag ni Añonuevo ang kaniyang mga punto at argumento sapagkat ipinarating niya ang mga ito sa paraang tiyak na matatalos ng kaniyang mga mambabasa.
Isang pagpapatunay ang pagkakasulat ng akda na hindi lamang nababase sa lalim at pagkamabulaklak na pananalita ang kahusayan sa paggamit ng wika. Sa pamamagitan ng pagpili ng may akda sa mga salita, higit niyang naipaunawa sa kaniyang mga mambabasa ang damdamin at kaisipan na nais ipabatid.
Makikitang sa ganitong paraan, malaki ang posibilidad na mahimok ang nakararami na may kakayahan ang wikang Filipino na maging midyum ng pakikipagtalastasan sa iba’t ibang aspeto ng lipunan gaya ng agrikultura, agham, teknolohiya, inhenyeriya, batas, at kalusugan, kaya naman higit ring malawak ang populasyong mapapaabutan ng anumang mga impormasyon.
Ayon sa akda, “Ang Filipino ay pagkilala sa kabansaang may iba-iba mang wika ay tinutuhog ng isang malaganap na wikang may sapat na malig na magagamit ng bawat lalawigan sa komunikasyon ng mga Filipinong maaaring ang kinamulatang wika ay wikang lalawigan.”
Ipinaliwanag ni Añonuevo na may batayan ang mga pagpupunyagi ng mga akademiko na gamitin ang Filipino bilang wika ng pagtuturo sa lahat ng paaralan.
“Nabigo ang pagpapalago sa Filipino dahil sa akala o prehuwisyo na hindi nito kayang sakupin ang gaya ng matematika at agham, at idagdag pa na kulang na kulang ang materyales na nasusulat sa Filipino,” aniya.
Dagdag pa rito, ipinahayag niya na panahon na upang isaayos ng Pilipinas ang panloob na sistema nito hinggil sa paglalathala, pagpapalusog, at pagpapalaganap ng mga aklat.
“Panahon na upang tulungan ng kapuwa pribado at punlikong sektor ang mga manunulat nang makalikha sila ng matitinong aklat na para sa ikagagaling ng mga Filipino, at marahil, para sa ikasusulong ng mundo ngayon at sa darating na siglo,” pagpapaliwanag niya.
Para kay Añonuevo, nagpapahiwatig ng paglampas sa mga hangganan ng lalawigan at bansa ang Filipino bilang wikang panlahat. Nagpapanukala ng pampulitikang basbas upang gamitin sa mg dominyo ng kapangyarihan na kinabibilangan subalit hindi limitado sa aliwan, edukasyon, hukuman, kalakalan, medisina, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, masmidya, at ugnayang panlabas. Isang maangas na pagsasabi ito na nauunawaan ang Filipino mula Batanes hanggang Basilan, mula lansangan hanggang paaralan hanggang pamahalaang lokal at nasyonal.
Sa kabuuan, naniniwala ang may akda na makabubuting ipakilala muli ang KWF—ang natataning ahensiya na may mandato hinggil sa pagpapalaganap, pagpapanatili, at pagpapaunlad ng wikang Filipino at iba pang wikang panrehiyon—at itampok ang tungkulin at pananagutan nito sa sambayanan.
Ani Añonuevo, “Makilahok kayo sa mga program at proyekto ng KWF, dahil ang tanggapang ito ay dapat magsilbi sa bayan, imbes na siyang pinagsisilbihan.”