MALAKI ang maiaambag ng isang responsable at matalinong midya sa pagpapadulas ng wikang Filipino mula sa oral language tungo sa isang linang at alinsunod sa pamantayan na written language.

Ito ang binigyang-diin ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa idinaos na Kapihang Wika sa Filipino noong ika-30 ng Setyembre sa Bulwagang Romualdez, Gusaling Watson, Lungsod ng Maynila.

Hindi na maikakaila ang impluwensya ng midya sa taumbayan at ang kontriubsyon nito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay kaya naman layunin ng KWF na makausap at makapalitang-kuro ang midya patungkol sa wasto at disiplinadong paggamit sa wikang Filipino upang maging kaisa nila ito sa kanilang kampanya tungo sa paglilinang at paglalagay sa pamantayan ng wikang Filipino.

“Sa pamamagitan ng inyong mas maingat na paggamit ng wikang Filipino, makakapagkalat tayo ng norms,” ani Almario.

Mahalaga ang konsepto ng language planning sa pagpapayaman ng wikang Filipino dahil dito nakalagay ang mga hakbang na dapat gawin kapag mayroong isang ipinapanukala na wikang pambansa.

Aniya, isa itong bagay na pinag-aralan ng linguistics noon pang 1960s at gayong pinag-aaralan ito sa kolehiyo hanggang sa kasalukuyan, hindi naman ito ginagamit.

Sa lawak ng gumagamit, hindi na maitatanggi na marami na ang gumagamit ng wikang Filipino sa bansa.

Pagpapaliwanag niya, kapag sinabing paglilinang, ito ang kagustuhang mapabuti ang wikang Filipino hindi lamang sa pagsasalita kung hindi maging sa pagsusulat at pagbabasa hinggil sa tinatawag na mga pormal na diskurso.

Isang mahalagang hakbang na nakapaloob dito ang paglalagay nito sa pamantayan o ang pagpili ng isang standard language at dito kakailanganin yung pagsasagawa ng norms o mga kaalaman na pangkalahatan dahil gayong marami nang nagsasalita ng wikang Filipino, iba iba naman ang kanilang leksikon o bokabularyo at pinanggalingan.

READ
Do not rely on last-minute miracles

Upang isulong ang kasalukuyang programa ng KWF na standard language sa pagsusulat, mayroong ipinalabas ang ahensya na isang ortograpiyang pambansa at kanilang hinihikayat ang midya na gamitin ito para sa nagkakaisang istilo ng paggamit ng wikang Filipino sa pagsusulat, pagbabasa at pagsasalita saan mang panig ng bansa.

“Hindi nangangahulugan na pare-pareho tayo ng salita. Ang mahalaga, kapag binigkas natin, iisa yung paraan natin at kung tayo naman ay nagsusulat, iisa ang paraan natin ng pagsulat,” ani Almario.

Bukod sa ortograpiya, naglimbag rin ang ahensya ng manuwal sa masinop na pagsulat na nakabatay sa Chicago Manual of Style.

Iba’t ibang salita, iisang bansa

Kasunod ng panayam ni Almario, ipinaliwanag naman ni Purificacion Delima, dating Dekano ng College of Arts and Sciences sa University of the Philippines-Baguio at kasalukuyang full-time komisyoner ng KWF sa wikang Ilokano, ang mga layunin at kinahinatnan ng kanilang proyektong “Linguistic Atlas ng Filipinas.”

Habang pinapayaman at pinapaunlad ang wikang pambansa, inaalagan rin naman ang mga rehiyonal na wika at tinitingnan kung paano ito nakakapasok sa wikang pambansa at kung paano nakakaimpluwensiya ang mga ito sa pagtatayo ng norm.

Ang proyektong ito ng KWF na pinopondohan naman ni Senador Loren Legarda ang magdodokumento at magmamapa ng lahat ng mga wika sa Filipinas at tutukoy sa distribusyon ng pook at tagapagsalita ng bawat wika.

Layunin nito na maimapa ang mga wika sa buong Pilipinas, maidokumento ang mga wika sa buong bansa at mailarawan ang mga wika sa Pilipinas hindi lamang ayon sa kung saan at sino ang mga nagsasalita nito kung hindi maging sa mga baryasyon at ugnayan ng bawat wika.

READ
Makabagong teknolohiya tungo sa kaunlaran

Ayon kay Delima, kanilang nakikinita na sa taong 2015, mabubuo ang "Linguistic Atlas” bilang isang aklat na kapapalooban ng kumprehensibong impormasyon tungkol sa mga wika ng Filipinas.

Sa kasalukuyan, nalagyan na ng deskripsyon ang 89 na wika habang nasa proseso pa ng balidasyon ang 111. Gayunpaman, hindi 200 ang pangkabuuang bilang ng lahat ng wika sa bansa sapagkat marami sa 111 ang may duplikasyon sa pangalan at nagkaiba lang sa pagbabaybay. Maria Koreena M. Eslava

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.