MATAPOS ang dalawang taon na talakayan ng National Commision for Culture and the Arts (NCCA), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at National Book Development Board (NBDB), pormal nang naitalaga ang buwan ng Abril bilang Buwan ng Panitikan sa pamamagitan ng Proclamation No. 968 noong Pebrero 10 ni Pangulong Aquino III.
Sa panayam ng Varsitarian kay Roberto Añonuevo, direktor heneral ng KWF, sinabi niya na malaki ang kahalagahan ng pagkakatalaga na magkaroon ng buwan para sa panitikan sa muling pagpapakilala nito sa bansa kasabay na rin ng pagdiriwang ng kaarawan ng isa sa pinakamahalagang simbolo nito na si Francisco “Balagtas” Baltazar.
Dagdag pa ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at tagapangulo ng KWF, Abril ang napiling buwan para sa pagdiriwang dahil buwan ito ng kapanganakan at kamatayan ng karamihan sa mga kilalang manunulat ng panitikan tulad nina Emilio Jacinto, Paciano Rizal, Nick Joaquin, Edith Tiempo at Bienvenido Lumbera.
Sa buwan ding ito ginaganap ang mga pagdiriwang ng panitikan tulad ng Children’s Book Day, International Day of the Book or World Book Day at World Intellectual Property Rights Day.
Bagaman hitik sa mga pampanitikang pagdiriwang sa iba’t ibang panig ng mundo, inamin ni Añonuevo na nahuhuli ang Filipinas sa pagpapalaganap ng panitikan kaya naman naisipan ng KWF na kumilos sa pambansang antas upang maging mabilis ang muling paghikayat sa mga mamamayan na bigyang suporta ang lokal na panitikan.
“Tungkulin ito ng bawat Filipino. Kung ang bawat Filipino ay tatalikod sa mga ganiyang tungkulin ano ang mangyayari sa ating panitikan? Kinakailangan na tayo ay makilahok, alinsunod sa ating konstitusyon,” ani Anonuevo, isang Tomasino at batikang makata na kasama na sa Palanca Awards Hall of Fame.
Ayon kay Almario, isang magandang oportunidad ang pagdiriwang upang mabigyan ng sapat na atensyon ang panitikan maging ang paraan ng pagtuturo nito sa mga paaralan.
Aniya, masyadong nakukulong sa tradisyonal na pamamaraan ang pagtuturo ng panitikan sa puntong nakasisira na ito sa mga estudyante dahil lumilitaw na mahirap unawain at higit pang mahirap mahalin at tangkilikin.
Dahil sa masalimuot na proseso ng pag-aaral ng panitikan, unti-unting nababaon sa kung ano-anong katawagan at teorya ang tunay na kahulugan ng isang babasahin na kadalasan, mismong mga guro ay hindi rin tunay na naiintindihan.
“Dapat itinuturo ng guro kung paano mo ito (kasisiyahan), kung paano mo ito magagamit para lumaki ang mga bata na gusto nilang magbasa,” ani Almario.
Dagdag pa rito, hinimok din niya na isaayos ang industriya ng mga aklat sa bansa na ang tanging harangarin sa kasalukuyan ay ang makapaglimbag at makapaglabas ng libro upang kumita.
Kung magpapatuloy ang ganitong pamamaraan sa industriya, lalong uunti ang bilang ng mga akdang likha ng mga Filipinong manunulat.
Patuloy na pagtangkilik
Sa isang banda, sinabi ni Almario, kakabit na ng buhay ng bawat Filipino ang panitikan kahit noong panahon pa nina Balagtas at Rizal kaya naman nakalulungkot isipin na hindi na ito napapansin lalo pa at nauuso na ang electronic media.
Bagaman lingid sa kaalaman ng nakararami, nakapaloob sa Section XIV ng Konstitusyon na may responsibilidad hindi lang ang pamahalaan kung hindi pati ang bawat Filipino na suportahan at patuloy na payabungin ang panitikan sa bansa.
Nakapaloob din sa Proclamation No. 968 na mahalaga ang ginagampanang papel ng panitikan sa pagpepreserba at paghihikayat ng mga Filipino na makilala ang halaga ng mga naiwang akda ng mga ninuno na siyang nag-uugnay sa nakaraan at kasalukuyan.
“Nais naming magkaroon ng Buwan ng Panitikan upang maibalik ang atensiyon ng taong bayan sa mahalagang papel ng panitikan sa ating buhay,” aniya.
Dagdag ni Almario, napakaganda at napakayaman ng ating panitikan lalo na ang folk literature ngunit hindi natin ito nagagamit ng maayos.
Patunay na rito ang pagkakaroon ng bansa ng humigit sa 50 epiko na naglalagay sa bansa sa listahan ng may pinakamaraming epiko sa mundo.
Ipinaalala naman ni Añonuevo na hindi lamang pasulat na pamamaraan ng panitikan ang itatampok sa Buwan ng Panitikan kung hindi pati rin ang oral tradition ng bansa mula sa Batanes hanggang Basilan.
Kabilang rin rito ang mga ambag ng mga katutubong Filipino sa panitikan na hindi gaanong nakakarating sa kamalayan ng marami.
Napansin din ni Añonuevo na nahuhuli na ang Filipinas sa pagpapalaganap ng ating panitikan at naungusan na tayo ng Indonesia dahil sa masigasig nilang pagsasalin at produksyon ng mga lokal na akda.
Aniya, dapat tularan ng Filipinas ang Indonesia dahil sa masigasig nitong pagsasalin at produksyon ng mga lokal na akda na tiyak namang magagawa sa bansa dahil sa lupon ng mga mahuhusay na manunulat na tiyak na mabibigyang rekognisyon sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan.
“Sa ganitong paraan lamang natin maipapakita ang rebolusyon—isang rebolusyon na nagbabayanihan ang mga Filipino para sa pagpapaunlad ng panitikan at pambansang wika,” wika niya.
Bilang pakikiisa sa marangal na layuning ito, nakilahok ang iba’t ibang unibersidad sa bansa kabilang na ang UST upang ipagdiwang ang Buwan ng Panitikan sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga programa na higit pang maglalagay ng pagtangkilik sa sariling panitikan sa kamalayan ng bawat Filipino.
Noong ika-21 ng Abril, inilunsad ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies ang libro ni Virgilio Almario na pinamagatang “May mga damdaming higit kaysa atin” sa Civil Law Auditorium, Main Building ng Unibersidad bilang pakikisama sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan. Erika Mariz S. Cunanan