Luntian ang mga damo sa field; katulad nang pagiging luntian nila kahapon, no’ng isang araw, at ‘yung araw bago ‘yon.

Pinakauna akong natapos noon sa pasarbey ng professor ko sa Business Statistics. Hindi dahil nadalian ako at hindi rin dahil hindi ko siya sinagutan. Gusto ko na lang talaga siyang tapusin. Pagsusuri lang naman kasi ‘yon hinggil sa naging pananaw namin sa kaniya at sa asignaturang itinuro niya buong semestre. Puno ng ingay ang mga pasilyo sa AMV, pero tanging mga yapak ng mga paa kong nagmamadali ang aking narinig, waring nakikisabay sa pag-uunahan ng mga butil ng pawis na tumatagaktak sa gilid ng aking mukha sa kabila ng lamig ng aircon sa klasrum. Lumabas ako agad ng silid para tingnan ang listahan ng mga pangalan na nakapaskil sa lobby ng building, hindi para magbakasakali na naroon ang pangalan ko kundi para ‘pag umiyak ako, walang ibang makakakita sa’kin.

“Aba, Trudis! Kahit araruhin namin ng ama mo ang bukid ng sampung taon, hindi kami makakapangibambansa! Tinu-tinuan mo ‘yang eskwalahan mo nang hindi ka matulad sa’min!” Hindi ko na matandaan kung kailan ko unang narinig ang pangungusap na ‘yan. Sinasabi na nila sa akin na kung hindi ko pagtatagumpayan ang pag-aaral, hindi ako magtatagumpay kahit saan. Pagkatapos ay hindi ko makikita ang pangalan ko sa listahan ng mga magtatapos sa kursong inumpisahan ko. Ikalawang taon ko pa lang sa Accountancy, hindi na ako umubra. Kasunod nito ay ang pagpaalam sa mithiing magtapos ng may Latin Honor. Kasunod nito ay ang paglipat ko sa ibang kurso ng dalubhasaan upang ako ay manatili sa pamantasan. Kasunod nito ay… ang mahabang listahan ng mga karimarimarim na bagay dahil nga wala ako doon sa listahan. Hay. Sino ba naman kasing nagpasimuno ng ganiyang sistema? Esperanza. Maraming Esperanza–tatlo, lima–pero ni isa roon, hindi ako.

READ
A musical prelude to the Quadricentennial

Bumaba ako sa hagdan mula sa lobby. Saan kaya ako nagkamali? Sobrang bibo ko naman noong elementary at high school. Wala yata akong contest at quiz bee na hindi sinalihan. Wala yata akong grade na 88 pababa! Interes? Sobra na nga ako sa pukpok nina Inay at Itay, mukha pa ba akong nawawalan ng gana?

Naglakad ako sa halamanan sa tapat ng Main Building. Grabe. Hapon na, ngunit nakasusulasok pa rin ang init ng araw… Anong petsa kaya darating si Kuya? Huling araw ng taon, dapat nga excited na siyang sunduin ako ngayon pauwi sa Isabela. Tsaka, dadaan pa kami ng dorm para mag-empake.

Ang dami naman kasing drama! Naalala ko na may inabot siya sa aking dalawang laso bago mag-umpisa ang sem, isang asul at isang puti. Ang bilin niya, sa huling araw ng school year, “Iabot mo sa akin ang asul kung masaya ka sa magiging sitwasyon ng ‘yong pag-aaral at puti kung susukuan mo na ang lahat dahil sa hindi mga kaaya-ayang pangyayari.”

Nakakahiya kina Inay at Itay. Ano na lang ang sasabihin nila? Hindi naman ako nagloko, a. Hindi ko lang talaga kinaya. Hindi pa naman ako tanggal sa UST. Hindi nga lang ako magtatapos na tugma sa aking inasahan. Okey naman na ‘yon ‘di ba?

Hindi ba?

Puwede pa naman akong mag-BS Accountancy pagkatapos ng Management Accounting. Dala-dalawa pa’ng puwede kong maging lisensya! Okey naman ‘di ba? Bakit ako malungkot?

Nilipad ang puting laso mula sa kamay ko samantalang sumabit naman sa dalawa sa aking mga daliri sa kanang palad ang asul. Talaga nga naman! Tumayo ako upang pulutin yung puti, ilang hakbang mula sa aking kinauupuan. Bagong dilig siguro ang damuhan. Kakaiba ngayong hapon ang init ngunit nagniningnig ang kanilang pagiging luntian. Medyo may putik nga ang lasong puti.

READ
How 'V' taught me to be an 'imagineer'

Uupo na sana ako sa una kong kinalugaran matapos ko itong pulutin, ngunit nilingon kong muli ang kaniyang pinagbagsakan. Nag-galang sumunod ang aking mga mata. Hindi lang pala dito sa Lane—luntian din ang mga damo sa field; katulad ng pagiging luntian nila kahapon, no’ng isang araw, at yung araw bago ‘yon. Mga halaman din sila, pero tingnan mo, kung bibigyan mo sila ng pag-iisip at kamalayang lahat, tila hindi nila alintana ang mga punong naglalakihan na ‘di hamak ay mas madahon at mas luntian sa kanila. Sa maghapong pagtanglaw ng araw at magdamag na alinsangan ng gabi, nagbubunyi silang maging mga damo; nahahamugan, natatapakan, natutuyot, pero damo pa rin–damo pa rin, hindi damo lang–damong hindi marahil kinailangang maging puno para masabing isa siyang halaman.

“Gertrude!” Lumingon ako at nakita kong nasa tabi na pala ng bag ko si Kuya. Huminga ako ng malalim, hindi na katulad ng buntong hininga ko bago pa man mag-umpisa ang araw. Lumapit ako at iniabot sa kaniya ang asul na laso sabay ngiti, “Kuya, lilipat ako ng Management Accounting.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.