Matapang kong nilakad ang kalye ng Dapitan.
Hindi na alam ng baga ano ang pagkakaiba
ng usok na nakasasakal sa hingang pagal.
Iisa na rin ang sigaw ng busina ng mga sasakyan
sa tawag ng mga nangangailangan ng tulong
paganahin ang kanilang kompyuter.
At ang basa sa karatula ng mga dyip?
Hindi na “LRT Tayuman” kundi “LRT Tayuan.”
Umilaw ng pula ang stop light.
Nalimutan ko na kung paano iangat
ang kaliwang binti upang maglakad.
Natakot na rin yata ang kanang binti
sa nakaambang panunuot ng mga ugat
pagkasakay sa LRT.
Nagpaalon na lang ako sa daluyong ng taong patawid
Dahil nakapara na pala ng dyip
ang anino ko sa kabilang kalye.
Jasper Emmanuel Y. Arcalas