HINDI ko malilimutan ang hagikgikan ng mga propesor, estudyante at manunulat na dumalo sa isang seminar ukol sa paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo ng mga teknikal na asignatura tulad ng agham at matematika.

Ang rason? Kawalan ng tuwirang salin para sa mga terminolohiya sa mga nasabing asignatura.
Ano sa Filipino ang mathematics? Sipnayan. Ang square root? Ikalawang ugat. Eh, ang chemistry? Kimika. Ilan lamang ito sa mga salin na kinahagikgik ng mahigit limampung katao sa loob ng isang awditoryum sa unibersidad.

Kung titignan sa kasaysayan, naging bahagi ng pag-usbong ng wikang pambansa ang mga salitang sipnayan, kimika at iba pang teknikal na termonolohiyang isinalin sa Tagalog.

Ngunit sa panahong ito ng social media at pagmamadali, sino pa kaya sa kabataan ang may oras upang alamin at aralin nang matiwasay ang wikang Filipino? Lingid sa kaalaman ng iba, nakaugat din sa isang mahabang pakikibaka para sa Wikang Pambansa ang pagkakaiba lamang sa titik ng “daw” at “raw.”

Sa manwal na inilimbag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na “Pagpaplanong Wika at Filipino,” isinalaysay ang madugong kasaysayan kung paano humantong ang wikang Filipino sa wikang pambansa at ang kinabukasan ng ating wika. Sa unang bahagi ng manwal pinagtuunan ng pansin ng may-akdang si Virgilio Alamario, tagapangulo ng KWF at Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, ang rason kung “Bakit Filipino ang ‘Filipino’?’”

“Nakakatawa ngunit totoo, ang pangunahing problema ng wikang ‘Filipino’ ay identidad,” panimula niya sa paglalahad ng suliranin ng wikang Filipino.

Noong Kumbensiyong Konstitusyonal 1934, napagpasiyahan na magkakaroon ng isang katutubong wika na pagbabatayan ng wikang pambansa. Naging mainit ang pagtatalo sa pagitan ng mga Tagalog, Sebwano at Ilokano. Ngunit nanaig, dahil sa higit na bilang ng mga delegado, ang wikang Tagalog.

READ
Krusipiksiyon

Mula noon, nabahiran na ng politika at mga pansariling interes ang pag-usbong ng ating wikang pambansa.

Halimbawa na lamang ang mga kontra-wikang pambansa na sina Geruncio Lacuesta, Leopoldo Yabes at Ernesto Constantino na nagtulak na magkaroon ng pagsasanib ng mga wikang katutubo para sa wikang pambansa. Nariyan din naman ang grupong tulad ng Defenders of Indigenous Languages of the Archipelago na bumatikos sa Filipino dahil para sa kanila, Tagalog pa rin at “binago lamang ang ispeling ng Pilipino upang ikubli ang pagiging Tagalog nito” noong 1972 nang mapagpasiyahang gawing “Filipino” ang tawag sa wikang pambansa.

Ayon kay Almario, nang magkaroon ng 20 titik ang alpabeto noong 1972, hindi na masasabing Tagalog pa rin ang Filipino sapagkat 17 lamang ang titik ng alpabetong Tagalog na nakabatay sa Baybayin.

Alinsunod sa kapasiyahan noong 1972 Konstitusyon, iniluwal ang “Filipino” bilang wikang pambansa sa nabuong 1987 Konstitusyon. Sinasaad sa Seksiyon VI ng Artikulo XIV: “Ang wikang pambansa ng Filipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Filipinas.”

Sa nasabing kasaysayan ng wikang pambansa—mula sa Tagalog hanggang sa pagbabatikos ng pagbabansot ng wikang pambansa sa mga katutubong wika—mababatid ang kawalan ng matinong identidad ng wikang “Filipino.”

Pag-unawa sa kasaysayan

Sa pamamagitan ng pag-unawa at pagbatid sa mahabang kasaysayan ng wikang pambansa, mas matatangkilik natin ang ating sariling wika, lalo na ang ating identidad. Matiwasay nating maiintindihan na hindi lamang binubuo ng wikang Tagalog mismo ang ating wikang pambansa. Sumasalamin sa ating kultura at pagka-Filipino ang wikang Filipino dahil pinagyaman ito ng iba’t ibang wika sa ating bansa.

READ
Are you 'misplaced'?

Halimbawa na lamang ang salitang “katarungan” na tinuturing na salin sa wikang Filipino ng Ingles na salitang justice. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, hindi ito mula sa Tagalog. Mula sa Sebwano ang salitang katarungan na may salitang-ugat na “tarong,” na siyang pinagbasehan ni Lope K. Santos sa paglikha sa salitang “katarungan.”

Para sa ating mag-aaral na tinuruan ng abakada nang nasa elementarya, marahil simpleng a-ba-ka-da lamang ang tingin natin sa ating alpabeto. Ngunit, ayon sa kasaysayan nito, napakayaman sa ideya ng pagka-Filipino ang kasalukuyang alpabeto.

Nagsimula ang alpabeto sa 17 titik (Tagalog na nakabatay sa Baybayin) na naging 20 alpabeto noong 1972 at naging 28 titik noong 1987 hanggang sa ngayon.

Ang walong titik (C,F,J,Ñ,Q,V,X,Z) na idinagdag noong 1987 ang “kumakatawan sa mga tunog na wala noon sa abakada ngunit nasa mga wika ng nasa Filipinas,” ayon kay Almario.

Ilang halimbawa rito na binigay ni Almario ang mga sumusunod: ang “alifuffug” o ipuipo sa Itawit, “falendag” na isang uri ng plawta sa Teduray, at “zigattu” o silangan ng Ibanag.
Dahil sa mga karagdagang titik sa alpabetong Filipino, pinagtitibay nito ang identidad ng ating wikang pambansa sapagkat makakatawanan na ang bigkas sa mga katutubong salita sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.

Marahil, marami sa kabataan ngayon ang nagnanais matuto o maging bihasa sa banyagang wika. Wala namang masama roon. Ngunit mas mahalaga sigurong bigyang-pansin muna ang kakayahan at pagmamahal sa ating wikang pambansa.

Sa mahabang kasaysayan ng ating wikang pambansa, masasabing ngayon pa lamang ito tumutungo sa tamang daang dapat tahakin nito: nasyonalisasyon at modernisasyon.
Ayon kay Almario, isinaad sa Seksiyon 6 ng Artikulo XIV ng Konstitusyon ang nasyonalisasyon at modernisasyon ng wikang Filipino.

READ
Devotion in action highlighted in La Naval de Manila feast

“Ang nasyonalisasyon ay magaganap sa pamamagitan ng pagpapayaman sa Filipino sa pamamagitan ng mga wika ng Filipinas. Ang modernisasyon ay mapapabilis sa pamamagitan ng iba’t ibang pandaigdigang wikang sinasangguni at hinihiram ng edukasyong Filipino,” ani Almario sa manwal.

Kung tutuusin, sumasabay na rin ang mga tagasuporta ng wika sa makabagong panahon. Nariyan ang WIKApedia, isang pahina sa Facebook, na nagpapaskil ng samo’t saring kaalaman sa wikang Filipino—mula sa kasaysayan ng mga salita hanggang sa mga salitang hindi batid ng nakararami.

Nang mapadaan ako sa kanilang pahina, may isang nakatutuwang komento akong nabasa ayon sa kanilang post tungkol sa wastong gamit ng ‘ng’ at ‘nang.’

“Kapag mali ang grammar sa Ingles pinagtatawanan. Pero ‘pag sa Filipino, okay lang?” sabi ng post.

Oo nga naman. Mas alam pa ng nakararami ang wika ng mga hokage, breezy at hashtags kaysa sa sarili nilang wika.

Ikaw, alam mo ba kung bakit Filipino ang wika mo?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.