MAGANDA ang hinaharap ng pantitikang Tomasino kung titignan ang patuloy na pagtaas ng kalidad ng mga lahok sa taunang patimpalak-pampanitikan na Gawad Ustetika.

Sa 119 na lahok para sa ika-31 nitong taon, 29 ang umuwing may hawak-hawak na babasaging plake na nagsasaad ng kanilang pagwawagi.

Ito ang ikalawang taon na may 29 nagwagi sa kasaysayan ng patimpalak, ang pinakamarami sa nakalipas na dekada ng Gawad Ustetika.

Sa 29 na nagwagi sa walong kategorya—tula, poetry, katha, fiction, sanaysay, essay, dulang may isang yugto o one-act play at maikling kuwentong pambata o short story for children—nabatid ng mga hurado ngayong taon ang yumayabong at tumataas na kalidad na likha ng mga lahok, na mas malaya at kinakitaan ng “pagtalakay sa mga moderno at sensitibong paksa.”

Para kay Mariano Kilates, isang makata sa Ingles at tagasalin na hurado ngayong taon sa kategoryang Poetry, lalo pang humuhusay sa kasalukuyan ang mga mahuhusay nang magsulat noon.

Sumang-ayon naman dito si Joselito de los Reyes, propesor sa Unibersidad at mahigit limang taon nang hurado ng Ustetika sa kategoryang Tula, na nagsabing “mas siksik at mas maganda” ang mga lahok ngayong taon kumpara sa nagdaang taon, kung kailan walang nagsipagwagi sa Tula.

Ang kategoryang Fiction ang may pinakaraming lahok sa taong ito sa bilang na 21. Sumunod naman ang Poetry (19) at Katha (16). Lumagpas naman sa 10 ang iba pang mga kategorya (Tula, 15; Essay, 14; One-Act Play/Dula, 14; Sanaysay, 10).

Samantala, ang Maikling Kuwentong Pambata ay mayroon lamang pitong lahok. Kapansin-pansin na walang tumanggap ng mga parangal rito at tanging Natatanging Pagkilala lamang ang iginawad sa nasabing kategorya.

READ
Poverty, man's greatest 'wealth'

Taliwas sa inaakalang “pagsesermon” sa akda, ani Michael Coroza na associate professor sa Ateneo de Mannila University at hurado sa kategoryang Maikling Kuwentong Pambata, kailangang matutunan ng mga manunulat ang “epektibong paraan ng pagkukuwento para sa mga bata.”

Kahadlangan

Sa likod ng bilang ng mga nagwagi, hindi maikakaila na naroon at naroon pa rin ang mga hadlang na kinakaharap ng mga Tomasino pagdating sa pagsusulat, partikular na rito ang kakulangan sa pagbabasa.

Ani Coroza at Kilates, ang kawalan ng gamay at kahusayan sa paggamit ng wika ang isa ring balakid sa pagsusulat.

“Dapat nakikita na ang Filipino ay isang bukas na wika, may gramatika ito at bukas ito sa maraming posibilidad,” ani Coroza.

Para naman kay Kilates, “[Mahirap ang pagsusulat] lalo na kapag nagsusulat sa Ingles. [English] is not a first language. It is a borrowed language. So we really have to master it before even trying to write literarily.”

Samantala, malungkot na ipinahayag ng isa sa mga hurado na nananatiling huli ang panitikan sa Unibersidad kumpara sa ibang institusyong pampanitikan sa bansa sapagkat hindi sapat ang mga taunang workshop upang sanayin ang ating mga manunulat. Mungkahi niyang gawin ito nang mas madalas.

Hinihiling ni Vim Nadera ang pagkakaroon ng karagdagang benepisyo ng mga nagsipagwaging manunulat katulad ng pagtipon sa kanila upang makabuo ng isang pangkat na “magiging aktibo, bagama’t independent, sa regular na palihan o programang tulad ng pagbabasa ng mga tula o pagkukuwento.”

Ilan sa mga patunay na ang Ustetika ang naging tulay upang makamtan ng mga makata at manunulat na Tomasino ang iba pang pambansang karangalan sina Francezca Kwe na pinarangalan din ng Gawad Palanca at Nick Joaquin Literary Award gayundin si Rodolfo “Jun” Lana, Jr. na nagwagi na nang 11 Gawad Palanca at hinirang na pinakabatang Palanca Hall of Fame noong 2006.

READ
Medicine profs oppose biometric system in attendance checking

Ngayong taon, samantala, kapansin-pansin na pawang pinanalunan ni George Deoso, nasa ikatlong taon ng AB Literature, ang unang gantimpala sa kategoryang Tula at Poetry. Pinagwagian din ni Deoso ang ikatlong gantimpala para sa Sanaysay at natatanging pagkilala para sa kategoryang Fiction.

Ayon kay Deoso, hindi siya kampante sa kaniyang mga lahok para sa Tula dahil mas hilig niya diumano ang magsulat sa prosa.

Magugunitang nagwagi siya ng ikalawang gantimpala sa Fiction noong ika-30 Ustetika. Kumpara sa tula, aniya, “hindi dumaan ang mga ito (katha) sa kahit anong porma ng palihan; dumaan lamang ang lahat ng ito sa kadiliman ng aking pag-iisa, kalungkutan, at samu’t saring bulsa ng takot.”

Sa pangkalahatang pananaw ng mga hurado, patuloy ang Ustetika sa pagpapaalab ng Panitikang Tomasino.

“Maganda ang ginagawa ng Varsitarian: pinipilit buhayin [ang panitikan] at aktibong-aktibo pa rin para bigyan ng kakayahan ang mga Tomasino upang pag-ibayuhin pa ang kanilang pagnanais na makasulat,” ani Delos Reyes.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.