SINONG magsasabing hindi patok sa kabataan ang pro-life movement?
Pinatunayan ng mga estudyanteng kalahok sa pinakaunang patimpalak pampelikula ng Pro-Life Philippines, na binansagang “Life, Camera, Action!,” ang kanilang pakikiisa sa laban upang protektahan ang buhay. Konsepto ni Deni Rose Afinidad, dating manunulat sa Filipino ng Varsitarian at Journalism alumna ng Arts and Letters, ang patimpalak.
Nagkamit ng gantimpala mula sa National Commission on Culture and the Arts (NCCA) na nagpondo ng patimpalak ang mga dokumentaryong Ispel Sex at Kitil mula sa Angeles University Foundation ng Angeles City, Pampanga, at Emmanuel mula sa St. Paul University ng Quezon City (SPUQC). Pinarangalan ang mga nagwagi noong Hunyo 30 sa Fr. James B. Reuter Auditorium ng SPUQC.
“Usong-uso ang mga indie films ngayon. Naisip naming papatok ang paligsahang ito sa kabataan. Hindi lamang mahahasa ang kanilang imahinasyon at talento sa paggawa ng pelikula, makakasali rin sila sa adbokasyon para sa buhay,” ani Afinidad, manunulat sa seksyon ng Lifestyle at Entertainment ng Manila Standard Today.
Simple ngunit may dating
Dahil sa malinaw na pagpapalawig sa isyu ng pre-marital sex, nakamit ng Ispel Sex ang unang gatimpala. Naipakita ng dokumentaryo ang mga siyentipikong dahilan kung bakit dapat iwasan ng kabataan ang seks.
Ayon kay Dr. Concepcion Garcia-Pantig, isang obstetrician na kinapanayam sa dokumentaryo, dapat lamang iwasan ang pre-marital sex dahil isa ito sa mga pangunahing sanhi ng pagkalat ng mga sexually transmitted diseases.
“Malinaw na naipakita sa dokumentaryo ang mga argumento nito sa pamamagitan ng panayam sa ilang taong may kredibilidad at kaalaman sa naturang paksa,” ani Dick Trofeo, isang cinematographer ng Cine K at isa sa tatlong hurado ng patimpalak.
Nagkamit ng P25,000 premyo ang Ispel Sex mula sa NCCA.
Samantala, nakamit naman ng Kitil ang ikalawang gantimpala na P20,000 sa pagsasalaysay nito ng buhay ng mga babaeng minsan nang nagpalaglag.
Kinapanayam sa dokumentaryo ang dalawang babae na ipinalaglag ang kanilang unang pagbubuntis. Parehong nagsisisi ang mga ito. Nagawa lamang daw nila ang pagpapalaglag dahil sa kawalan ng matinong hanapbuhay upang suportahan ang paglaki ng sanggol sa sinapupunan.
Kinapanayam sa naturang dokumentaryo si Obispo Teodoro Bacani ng Novaliches.
Ayon kay Bacani, kahit pa natakasan ng babae ang resposibilidad ng pagpapalaki sa kanyang sanggol, hindi nito malalampasan ang pag-uusig ng konsensya, tulad ng nangyari sa dalawang babaeng nakapanayam.
“Sa pagpapakita ng kanilang talento, napatunayan ng mga nanalong kalahok na may alam ang mga kabataan sa mga turo ng Simbahan kahit na walang dating ito para sa iilan,” ani Diana Uichangco, patnugot ng Love Life, ang opisyal na pahayagan ng Pro-Life Philippines.
Gaya ng Kitil, itinampok din ng dokumentaryong Emmanuel ang isyu ng aborsyon. Ngunit hindi sa pakikipanayam inilahad ng dokumentaryong ito ang mensahe kundi sa pamamagitan ng simpleng istorya.
Ipinakita sa istorya na nagwagi ng ikatlong gantimpala ang isang batang nais magkaroon ng nakababatang kapatid. Pinangalanan niya ng Emmanuel ang sanggol na dinadala ng kanyang ina.
Ngunit dahil sa pag-aaway ng mga magulang ng bata, napilitan ang ina nito na ipalaglag si Emmanuel. Sa bahaging ito ng istorya, isiningit ang ilang karumal-dumal na larawan ng mga ipinalaglag na bata.
Ipinakita din sa dokumentaryo ang ilang video na naglalahad ng proseso ng paglaki ng bata sa loob ng sinapupunan ng ina.
Ngunit ayon kay Trofeo, hindi naging mainam ang paggamit ng mga overused footage ng mga sanggol sa dokumentaryo.
“Kung tutuusin, parati nang ginagamit ang mga kuhang ginamit nila. Hindi pa nila nagawang ilahad sa dokumentaryo ang kanilang mga pinagkunan,” aniya.
At sa kabuuan, napansin ni Rica Arevalo, isa ring hurado at direktor ng ICU Bed #7 na nagwagi sa Cinemalaya 2005, na nagkaroon ng problemang teknikal ang lahat ng mga dokumentaryo.
Bagaman lumabas na “amateurish” ang mga dokumentaryo, ayon kay Trofeo, kumbinsido naman ang mga hurado na isa itong magandang simulain para sa mga estudyanteng nagsipaglahok, lalo na’t ilan sa mga ito’y kumukuha ng kurso sa Mass Communication.
Ayon nga kay Monica Busto, estudyante ng Broadcast Journalism sa SPUQC at isa sa mga lumikha ng Emmanuel, hindi man naging propesyunal ang kalidad ng mga dokumentaryong nagsipaglahok, naging magandang hakbang ang pagsali nila sa patimpalak upang magamit nila ang mga natutunan nila sa klase.
“Maituturing na amateur pa lamang ang aking grupo sa paggawa ng mga dokumentaryo kaya’t hindi gaanong pulido ang kalidad ng Emmanuel. Ngunit, mas mainam siguro kung magkakaroon ng magkaibang kategorya ang amateur at professional entries para mas makahikayat na sumali ang ilang beteranong filmmakers,” ani Busto sa Varsitarian.
Ayon naman kay Arevalo, kahit pa “amateurish” ang mga dokumentaryong kalahok, kitang-kita naman sa mga estudyante lumahok ang kagustuhang matuto.
“Hindi na bale kung amateur o professional filmmaker ang mga estudyanteng nagsipagsali. Ang kanilang kagustuhang matuto ang higit na mas importante sapagkat ito ang daan upang maipakita ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng kanilang mga talento,” aniya sa Varsitarian.
Sabi pa ni Arevalo, kahit na may kakulangan ang mga kalahok na dokumentaryo sa aspetong teknikal, higit nilang pinahalagahan ang simple ngunit malinaw na pagsasapelikula ng ideya sa mga isyung bumabagabag sa lipunan ngayon.