Larawan mula sa aklat na THE UST  MARTYRSNANG sumiklab ang digmaang sibil sa Espanya noong 1936, walong paring Tomasino ang nagpamalas ng matatag na pananampalataya sa Diyos hanggang kamatayan.

Panahon ng digmaang sibil nang tugisin ng mga miliciano o mga komunistang sundalo laban sa estado ng Espanya ang mga pari at mga relihiyoso. Nagsimula ito nang magwagi ang Popular Front, isang komunistang grupo, sa eleksyong ginanap noong 1936.

Ang unang paring martir ay si Blessed Buenaventura Garcia de Paredes, O.P., na mula sa Asturias, Espanya. Siya ay ipinadala ng mga Dominikano sa Pilipinas upang mag-aral ng lector in theology na siyang kinakailangan upang makapagturo sa Unibersidad. Siya ay nanilbihan bilang Chair of Political and Administrative Law at direktor ng Libertas, isang Katolikong pahayagan na pinapamatnugutan ng Unibersidad. Nang siya ay bumalik sa Espanya, siya ay nagtago sa mga miliciano na tumutugis sa kanilang mga pari. Sa kaniyang pagkahuli, siya ay nabaril at idineklarang patay noong ika-12 ng Agosto, 1936.

Ang ikalawang paring martir ay si Blessed Jesus Villaverde Andres, O.P. ng Leon, Espanya. Nagturo siya ng theology at Canon Law sa UST at nanilbihan bilang secretary-general mula 1919 hanggang 1912; treasurer mula 1929 hanggang 1934; dekano ng Faculty of Sacred Theology mula 1932 hanggang 1934, at rektor mula 1921 hanggang 1924 ng Colegio de San Juan de Letran na pinapatakbo rin ng mga Dominikano. Bagaman walang tunay na nakaaalam sa kaniyang pagkamatay, sinasabing siya ay hinuli at pinatay ng mga miliciano noong ika-15 ng Oktubre 1936 sa Madrid.

Mula sa Palencia, Espanya ang ikatlong paring martir na si Blessed Pedro Ibañez Alonso, O.P. Tinapos niya ang kaniyang kurso sa theology sa UST at nagtungo sa bansang Tsina bilang misyonaryo. Pinatay siya ng mga miliciano noong ika-27 ng Agosto 1936 sa Espanya.

READ
Popularity and commercialism topple USTv mission

Kumuha ng kursong moral theology sa UST ang ikaapat na paring martir na si Blessed Manuel Moreno Martinez, O.P. mula sa Logroño, Espanya. Siya ay pinatay ng mga miliciano noong ika-5 ng Agosto 1935 matapos mahuli sa isang istasyon ng tren.

Ang ikalimang paring martir ay si Blessed Maximino Fernandez Marinas, O.P. ng Asturias, Espanya. Nagtapos siya ng kursong theology sa Unibersidad at inordena bilang pari sa simbahan ng Santo Domingo sa Intramuros. Binaril siya ng mga miliciano noong ika-15 ng Agosto 1936 sa Oscaña, Espanya kung saan nagtamo siya ng 11 na tama ng baril sa katawan.

Nagtapos din ng theology sa UST ang ikaanim na paring martir na si Blessed Jose Maria Lopez Carrillo, O.P. ng Jaen, Espanya. Nang siya ay huhulihin na sa isang kumbento sa Ocaña, Espanya noong 1936, nakatakas siya kasama si P. Pedro Ibañez ngunit sa kasamaang-palad, sila ay nahuli at pinatay noong ika-27 ng Agosto, 1936.

Dumating sa Pilipinas noong ika-23 ng Marso 1901 ang ikapitong paring martir na si Blessed Inocencio Garcia Diez, O.P. ng Palencia, Espanya. Noong ika-13 ng Agosto 1936 sa Madrid, siya ay tinraydor ng isang kasamahan sa bahay at dinala sa mga miliciano kung saan pinatay siya sa isang pangawan.

Ang ikawalong paring martir ay si Blessed Antonio Varona Ortega, O.P ng Burgos, Espanya. Nadestino siya sa Colegio San Juan de Letran at nagturo ng biology. Noong ika-24 ng Hulyo, 1936, sa Algodor, Espanya, siya ay hinuli ng mga miliciano kasama ang iba pang mga relihiyoso. Bagaman pinatakas noong una, sila ay pinatay din nang nakatingala sa langit.

READ
From 'mustard seed' to world's largest Catholic university

Ang walong Dominikanong pari ay hindi lamang nagsilbing mga martir noong panahon ng digmaang sibil sa Espanya, kundi naging inspirasyon din ng maraming Tomasino.

Tomasino Siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang nasa likod ng mga matatagumpay na teleserye ng ABS-CBN at mga blockbuster na pelikula?

Marahil ay marami nang nakakikilala sa pangalang Wenn De Ramas bilang isang sikat na direktor, ngunit ang hindi alam ng marami ay ang kaniyang mga pinagdaanan bago marating ang kaniyang tagumpay sa mundo ng pelikula at telebisyon.

Bagaman nagtapos ng kursong Hotel and Restaurant Management sa Unibersidad noong 1987, bata pa lamang si De Ramas ay sumasali na siya sa mga pagtatanghal. Siya ay naging bahagi rin ng mga dulaan noong siya ay nasa mataas na paaralan.
Ang kaniyang pagiging direktor ay nagsimula nang siya ay mapabilang sa Teatro Tomasino, ang opisyal na samahang pandulaan ng UST, noong siya ay nasa unang taon sa kolehiyo. Dito nahasa ang kaniyang kaalaman sa production tulad ng lighting, directing, at acting.

Sa kaniyang pagtatapos ng pag-aaral ay nagtrabaho siya sa isang restawran sa loob ng dalawang taon bilang serbidor. Bagaman umangat ang kaniyang posisyon nang siya ay naging supervisor, nagbitiw siya sa tungkulin dahil sa paniniwalang wala nang asenso sa kaniyang trabaho.

Taong 1990 nang nakapasok siya sa ABS-CBN bilang production assistant para sa mga palabas na Bistek at Abangan ang Susunod na Kabanata. Naging executive producer din siya sa mga variety show, kung saan naggamit niya ang mga kaalaman mula sa UST tulad ng management at accounting.

READ
Dispossessed

Taong 1998 nang iderehe niya ang kaniyang kauna-unahang pelikula na Dahil Mahal na Mahal Kita na pinagbidahan nina Claudine Baretto, Rico Yan, at Diether Ocampo.

Mula noon ay sunud-sunod na ang kaniyang mga proyekto sa ABS-CBN tulad ng Mula sa Puso (1997); Saan Ka Man Naroroon (1999); Sa Dulo ng Walang Hanggan (2001), Bituin (2002); Buttercup (2003); Marina (2004); Kampanerang Kuba (2005); Habang May Buhay (2010) at mga pelikula ng gaya ng Ang Tanging Ina (2003); D’ Lucky Ones (2006), Kapag Tumobok ang Puso (2006) at Ang Cute ng Ina Mo (2007) at Ang Tanging Pamilya (2007).

Tomasalitaan:

Sagunson (pnr) – sunod-sunod

Halimbawa: Sagunson tinawag ng propesor ang mga mag-aaral upang magpasa ng kanilang takda.

Sanggunian:

Tejero, P.G. “The UST Martyrs of the Religious Pesecution in Spain (1933-1937).” Philippiniana Sacra. Jan-Apr 2010: 3-35.

The Varsitarian: Breaktime. Tomo 5, Hunyo 2007

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.