PATULOY ang mga Tomasino sa pangunguna matapos magtala ng matataas na marka sa mga nakalipas na board exams sa mga kursong Nutrition and Dietetics, Physical Therapy (PT) at Occupational Therapy (OT).

Dalawang Tomasino ang nanguna sa nakalipas na PT licensure examinations, habang bahagya namang bumaba ang marka ng Unibersidad sa OT board exams.

Pinangunahan nina Phoebe Dawn Evangelista at Jerome Delfin Paguyo ang limang Tomasino sa top 10 ng PT boards matapos parehong makamit ang unang pwesto ng may 86-porsiyentong marka. Noong nakaraang taon, tatlong Tomasino ang napabilang sa top 10.

Mula sa Professional Regulation Commission (PRC), nagtala ng 95.74-porsiyentong passing rate ang UST ngayong taon. Sa 47 na Tomasino na kumuha ng pagsusulit, 45 ang pumasa. Mas mataas ito kumpara sa 88.76-porsiyentong passing rate noong 2012. Kabilang sa mga bagong Tomasinong physical therapists ay sina Eileen Diane Caadan na nakamit ang ikalimang puwesto (83.90 porsiyento), Ken Erbvin Sosa sa ikawalong puwesto (83.25 porsiyento), at Shane Chug sa ikasiyam na puwesto (83.10 porsiyento).

Bigong makapasok ang Unibersidad sa listahan ng mga top-performing schools sa PT board exams. Noong nakaraang taon, hinirang ang UST bilang pangalawang top-performing school. Bahagyang bumaba ang national passing rate sa 52.28 porsiyento (355 mula sa 679) kumpara sa 53.05 porsiyento (506 mula sa 984) noong nakaraang taon.

Samantala, bahagya namang bumaba ang passing rate ng Unibersidad sa OT board exams matapos itong makakuha ng 58.33-porsiyentong passing rate (28 mula sa 48), kumpara sa 60.53 porsiyento (23 mula sa 38) noong 2012. Walang Tomasino ang hinirang na topnotcher para sa taong ito. Wala ring paaralan ang kinilalang top-performing school ng PRC. Ayon sa pamantayan ng PRC, kailangang makapagtala ang isang paaralan ng 80-porsiyentong passing rate ng may minimum na 50 na mag-aaral na kukuha ng pagsusulit bago ito mapasama sa listahan ng mga top-performing schools. Bumaba rin ang national passing rate sa 42.67 porsiyento. Mas mababa ito sa 43.75 porsiyento noong nakaraang taon.

READ
IP Santos: Father of landscape architecture

Nutrition boards

Nanatili naman bilang pangalawang top-performing school ang Unibersidad sa nakalipas na Nutritionist-Dietitian licensure examinations matapos bahagyang umangat ang marka nito sa 95.12-porsiyentong passing rate. Ayon sa datos ng Professional Regulation Commission (PRC), 78 sa 82 na mga Tomasino ang pumasa sa nakalipas na pagsusulit–bahagyang mas mataas sa 93.9-porsiyentong passing rate noong nakaraang taon o 93 na mga Tomasinong pumasa mula sa 99.

Nanatiling top-performing school ang University of the Philippines Los Baños ngayong taon na nagkamit ng 100-porsiyentong passing rate tulad noong nakaraang taon. Nakamit ng Tomasinong si Jonathan Chua ang ikapitong pwesto sa Top 10 matapos magtala ng 85.35 porsiyento. Noong nakaraang taon, tatlong Tomasino ang napabilang sa Top 10, kung saan isang Tomasino rin ang nagkamit ng unang pwesto.

Bahagya ring bumaba ang national passing rate sa 64.36 porsiyento o 605 na mga estudyanteng pumasa mula sa 940 na kumuha ng pagsusulit. Noong nakaraang taon, 67.08 porsiyento o 601 mula sa 896 ang pumasa.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.