“TAO PO!”

Hinawi ni G. Caspe ang kurtina at sinilip mula sa bintana kung sinong nasa labas ng kanilang bakuran.

“Sir, sulat po.”

“Ang kartero pala,” sabi ni G. Caspe sa kaniyang sarili. “Sandali lang, iho,” pasigaw niyang sinabi bago ipinatong ang mainit na tasa ng kape sa mesang nasa gilid ng bintana.

“Pa, kartero ba ‘yung dumating?,” magalak na pag-usisa ni Lilac habang nagmamadaling bumaba sa hagdanan. “Ako na lang po ang kukuha.”
Hindi na nakaimik pa si G. Caspe at hinayaan na lamang ang anak na kunin ang sulat. Ngunit lingid sa kaniyang kaalaman, may hinihintay na liham si Lilac mula sa isang modeling agency.

Pangarap ni Lilac ang maging isang sikat na artista at alam niyang isang malaking hakbang ang pagiging modelo upang matupad ito.

Bata pa lamang si Lilac nang magsimula siyang kakitaan ng angking kagandahan. Tinanghal siyang “Munting Lakambini 1996” noong siya ay anim na taong gulang. Bukod sa pagiging biba sa pagsagot sa mga tanong, sadyang kabigha-bighani ang mabibilog niyang mga mata, ang mala-porselana niyang kutis, at ang makintab niyang buhok.

Sa bawat patimpalak at pagtitipong pagandahan, laging nasa likod ni Lilac ang kaniyang mapagmahal na ina. Taliwas naman dito ang kaniyang ama. Nais ni G. Caspe na pagtuunan lamang ni Lilac ang pag-aaral. Kaya’t madalas niyang tinututulan ang plano ng mag-ina na maging artista si Lilac sa tuwing mababanggit ito.

Higit na naging mahigpit ang ama sa pagtuntong ni Lilac sa kolehiyo, at tinutulan niya ang anumang bagay na maaaring maging sagabal sa kursong pinili para sa anak. Napilitan lamang si Lilac na kumuha ng kursong Accountancy dahil sa pagpipilit ng kaniyang ama. Nais ng huli na sundan ni Lilac ang kaniyang yapak bilang CPA ng isang kilalang bangko.

Nasa unang semestre ng kaniyang unang taon sa Unibersidad si Lilac nang palihim siyang sumali sa audition para sa isang modeling agency. Taglay ang balingkinitang katawan, makinis na kutis at tangkad na 5’10—higit na mataas para sa edad niyang 17 taon, at ang namumukod-tanging paraan ng pagrampa na kaniyang natutunan sa pagsali sa isang patimpalak, hindi batid ni Lilac na lubusan niyang napahanga ang mga model scouts sa indayog ng kaniyang katawan sa bawat paghakbang niya.

“Congratulations! You have passed the preliminary screening, Ms. Caspe. After studying your profile and the VTR, we will be sending a confirmation letter within two weeks notifying if you have been accepted here at Elite.”

READ
Money matters

“Para ba sa ‘yo ‘yung sulat, Lilac?,” tanong ni G. Caspe.

“Para sa inyo, galing sa insurance company,” tugon ni Lilac.

“Mukhang may hinihintay kang sulat, anak,” usisa ng ama.

“Ah..wala naman,” pagsisinungaling na tugon ni Lilac.

“Ate, may sulat para sa’yo,” ang bungad ng bunsong kapatid ni Lilac sa kaniya pagdating nito sa kanilang bahay galing sa eskuwela. Nagmula ito sa Elite Modeling Agency na balak niyang pasukan.

“We are pleased to have you as one of our official female models. Please report to us as soon as you have you received this confirmation letter for us to set the date for your briefing and contract signing. Great opportunities lie ahead here at Elite Modeling Agency.”

Walang pasubaling tinanggap ni Lilac ang pinaka-aasam na kontrata. Hindi nagtagal, nagsimulang maging laman ng ilang fashion magazines ang mukha ni Lilac. Dahil sa kaniyang pangalan na hango sa isang uri ng bulaklak, nakilala siya bilang Lilac Flowers.

Isang gabi, nangyari ang ‘di inaasahan. Sa pagbuklat ni G. Caspe ng isang magasin, tumambad sa kaniya ang glamorosang imahe ng anak. Galit ang unang nadama ng ama para sa anak.

“Ano’ng ibig sabihin nito, Lilac?” pagngangalit ng ama. “Kailan ka pa naging isang modelo, ha? Hindi ka man lang nagpaalam sa amin ng mama mo,” sigaw ni G. Caspe sabay tapon sa magasin.

“Kung magpapaalam ba ‘ko ay papayagan mo ‘ko? Alam ko, si Mama papayagan niya ako, at ipagmamalaki pa niya ‘ko. Eh ikaw Pa? Alam ko namang hindi ka magiging proud.” pabalang na sagot ni Lilac kasabay ng pagtulo ng kaniyang luha.

“Talagang hindi ka nag-iisip! Wala ka bang pakialam sa pag-aral mo?”

“Pag-aral ko o pangarap niyo?” Nakaligtaan niyo yatang isipin kung gusto ko ba talaga ng kursong pinakuha niyo. Hindi niyo na ba naisip na hindi na ako masaya? pagtatapat ni Lilac. “Dahil kahilingan niyo naman ang nasunod sa pagpili ko ng kurso, bakit hindi niyo ako pagbigyan ngayon,” mariin na pagsamo ni Lilac.

Natigilan si G. Caspe habang napakunot ang kaniyang noo. Ilang sandali pa ang nagdaan bago siya nakaimik.

“Basta hindi ako makakapayag sa gusto mo. Sa oras na may ibagsak ka sa mga subjects mo o maging pasang-awa ka, hindi ako magdadalawang isip na patigilin ka sa pag-aaral hanggang sa matuto ka,” banta ni G. Caspe. “Gusto mo bang tumanda ka ng walang natapos?,” dagdag pa niya.

READ
Cardinal Chito Tagle leads nationwide consecration

Hindi na napigilan ng ama si Lilac. Tuluyan niyang pinasok ang mundo ng pagmomodelo. Naging laman siya ng mga pangunahing beauty at fashion magazines. Minu-minuto kung ipalabas ang kaniyang mga commercials. Bawat endorsements mula sa sapatos, damit hanggang accessories, taglay ang mukha at pangalan ni Lilac Flowers.

Sa pagtatapos ng unang semestre, napatunayan ni Lilac sa ama na kaya niyang pagsabayin ang pag-aaral at pagiging isang modelo dahil sa pasado niyang mga grado.

Ngunit sa pagsapit ng ikalawang semestre ay unti-unting nahirapan si Lilac na pagsabayin ang pagiging modelo at ang kaniyang pag-aaral. Nagsimula siyang tumakas sa kaniyang mga klase. Hindi na rin siya nakakapag-aral para sa mga pagsusulit hanggang sa dumalang na ang mga pagkakataong pumasok siya sa Unibersidad.

“I told you Lilac. Tignan mo kung anong nangyari sa grades mo—puro FA. Hindi ka na pala pumapasok—baliktad sa mga sinasabi mo kapag nagpapaalam kang lumabas.” galit na galit na sambit ni G. Caspe.

“I’m sorry, Pa. I need a break. Nakapagpasiya na po akong ipagpaliban muna ang aking pag-aaral.”

Nabigla ang mga magulang ni Lilac. Ngunit wala silang magawa, sapagkat naisip nilang hindi rin makakabuti kung ipagpipilitan nilang ipagpatuloy niya ang kursong hindi niya naman gusto sa simula pa lamang.

Sa halip ay ipinagpatuloy ni Lilac ang pagiging modelo. Tinamasa ng dilag ang kasikatang inaasam sa pamamagitan ng mga fashion shows. Pinag-aagawan at bukambibig siya ng bawat designers ng Elite. Patuloy siyang hinahangaan ng maraming kalalakihan at kinaiinggitan ng mga kababaihan. Dahil sa mga ito, limpak-limpak na salapi ang inani ni Lilac sa pagmomodelo lang.

Bagaman at natanggap na ng mga magulang ni Lilac ang tagumpay na tinatamasa ng anak, hindi pa rin nila maiwasang mag-alala para sa kaniya. Hindi sila mapakali kaya napag-usapan nila ulit si Lilac isang gabi.

“Pa, hindi na tayo pinakikinggan ni Lilac,” pag-aalala ni Gng. Caspe habang binubuklat ang kumot.

“Sa ipinapakita niya ngayon, talagang wala na siyang balak pang ituloy ang pag-aaral niya.” tugon naman ni G. Caspe.

“Napapansin ko na hindi na siya kumakain, at sinasabing tapos na raw siyang maghapunan sa tuwing darating siya sa bahay. Hindi kaya na nagiging bulimic na ang ating anak?” sapantaha ni Gng. Caspe.

“Hayaan mo, kakausapin natin siya bukas pagdating niya. Sapat na siguro ang oras na binigay natin sa kaniya para makumbinsi siyang mag-aral muli,” sabi ni G. Caspe bago patayin ang ilaw.

READ
Portuguese scholar launches cartology book

Hindi nagkamali sa kanilang pagdududa ang mga magulang ni Lilac. Sa isang club party, nagsisimula pa lamang ang pagtitipon marami na kaagad nainom si Lilac hanggang sa tuluyan siyang malasing. Madaling araw na nang umuwi siya at kahit na nahihilo dahil sa kalasingan ay pinilit pa rin niyang magmaneho pauwi sa kanilang tahanan. Huli na nang malaman niyang nasa maling linya pala siya ng kalsada. Sumalpok ang kaniyang kotse sa isang van bago bumaligtad sa gitna ng daan. Malubha siyang nasugatan at muntik pang bawian ng buhay. Nanatili siya ng mahigit dalawang buwan sa ospital upang magpagaling. Kinailangan din niyang sumailalim sa pangangalaga ng isang psychiatrist upang ipaliwanag sa kaniya na makakalakad lamang siya sa tulong ng saklay. Inabot ng mahigit kalahating taon bago niya natanggap ang sinapit na kapalaran. Sabay ng pagkawala ng kakayahang maglakad, naglaho rin ang kinang sa buhay ni Lilac Flowers.

“Pa, Ma, patawarin niyo ako sa lahat ng problema at sama ng loob na idinulot ko. Kung hindi rin dahil sa aksidenteng ‘yun, marahil ay hindi ako magigising sa katotohanan,” wika ni Lilac habang nagtatangkang maglakad gamit ang isang saklay.

“Tandaan mo anak na mahal na mahal ka namin ng Mama mo kahit na anong mangyari sa’yo.” tugon naman ni G. Caspe pagkatapos humigop ng mainit na kape.

“Anong balak mo ngayon, anak? Ipagpapatuloy mo ba ang iyong pag-aaral? Pumayag na ang iyong Papa na kumuha ka ng kahit na anong kurso na nais mo,” sabi ni Gng. Caspe.

“Opo,” ang tugon ni Lilac.

“Tao po!”

Hinawi ni G. Caspe ang kurtina at sinilip mula sa bintana kung sino ang taong nasa labas ng kanilang bakuran.

“Sir, sulat po.”

“Ang kartero pala,” wika ni G. Caspe. “Sandali lang, iho,” pasigaw niyang sabi bago ipinatong ang maiinit na tasa ng kape sa mesang nasa gilid ng bintana.

“Pa, ako na lang po ang kukuha” sabi ni Lilac habang nagmamadaling lumakad gamit ang saklay.

“Mag-ingat ka anak at hindi ka pa gaanong sanay diyan,” paalala ni Gng. Caspe.

“Para kanino ang sulat?” pag-uusisa ni G. Caspe.

“Pa, Ma, natanggap po ako sa Madonna School of Fashion Design, ipagpapatuloy ko po ang pag-aaral sa larangan ng fashion designing.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.