MATINGKAD na lila, dilaw, at itim. Ito ang mga kulay na makikita sa pakpak ng kaibigan naming si Berta. Sa aming tatlo, siya ang pinakasabik na maging ganap na paru-paro.

“Magiging matingkad ang kulay ng aking mga pakpak, higit na matingkad kaysa sa iba,” payabang na wika ni Berta.

Isip-talangka raw si Berta sabi ng mga kaaway niya. Bago kasi kami naging magkakaibigan, nalaman namin ni Lena mula sa iba pang mga higad na likas na mapagmataas at makasarili si Berta.

Bilang nag-iisang supling ng Kabesa ng balangay, lumaki si Berta na sagana sa lahat ng bagay. Nasusunod lahat ng kanyang luho. Tuwang-tuwa ito kapag pinupuri at hinahangaan siya ng lahat at nagmamaktol naman kung may nakahihigit sa kanya.

Higad pa lamang kami ni Lena noon nang ipinakilala sa amin ng Kabesa ang kanyang anak. Dahil sa paggalang sa kanyang ina, pilit naming tinanggap si Berta bilang kaibigan.

“Nisa, Lena, sana maging mabuting magkakaibigan kayo,” pakiusap sa amin ni Kabesa.

Sa paglipas ng mga araw, ang ilang hindi magagandang pag-uugali ni Berta ay nakita at nakasanayan na namin ni Lena. Nauwi sa isang karaniwang pagkakaibigan ang sapilitang pakikisama namin sa kanya. Ngunit minsan, sadyang napakahirap sabayan ang lipad ng kanyang mga pakpak.

Nang makapag-aral si Sulang higad sa isang paaralan sa siyudad, ipinagkalat ni Berta na hindi raw dahil sa katalinuhan nito nakapasa ang higad. Mayroon umano itong kodigo nang mageksamen.

Ganoon din ang ginawa niya sa kapatid ni Sula. Ipinagkalat niya sa buong balangay na sinuhulan lang ni Sula ang guro ng kanyang kapatid na si Seling para gawaran ito ng pinakamataas na karangalan sa kanilang pagtatapos dahil marahil pumangalawa lamang si Berta.

Inis na inis din si Berta sa tuwing may magandang laruang pasalubong ang Tiyo ni Lena. Nasanay kasi si Berta na siya lamang ang may bagong laruan. Kaya kapag mayroong ibang nakaaagaw ng pansin mula sa kanya, nagagalit ito at gumaganti.

Sa paaralan higit lutang ang pagiging isip-talangka ni Berta. Sa paniniwalang ang pagiging anak ng Kabesa ang patunay ng kanyang katalinuhan, hindi pumapayag si Berta na maungusan ng kahit sinong kaklase. Kapag pinupuri ng guro ang aking mga sagot sa aralin, tumatayo siya upang kumontra, dahilan upang mag-alinlangan ang guro sa aking tinuran.

READ
Pagsaludo sa kasaysayan ng hukbo

Mula pagiging higad hanggang maging paru-paro, nakaugalian na niyang ipamukha sa amin ang kanyang kagalingan at ang aming kahinaan.

“Unawain muna natin si Berta. Darating din ang pagkakataong makikita niya ang kanyang pagkakamali,” madalas kong wika kay Lena.

Isang araw habang naghahanap kami ni Lena ng malulusog na bulaklak sa hardin, biglang dumating si Berta.

“Lena! Nisa! Isasali ako ni Inay sa Patingkaran!” pagmamalaki ni Berta na napakabilis ng pagkampay ng pakpak. Ang ngiti niyang halos ikabanat ng kanyang mukha.

Taun-taon ginaganap ang Patingkaran sa aming balangay. Dito, ibinibigay ang pinakamataas na parangal sa isang dalagitang paru-paro na may pinakamaganda at pinakamakulay na pakpak. Sapagkat ito ang sagisag ng natatanging kagandahan, ang premyo nito na koronang gawa sa rosas ang isa sa pinakahahangad ng lahat ng kalahok. Pinakahahangad ni Berta, at hindi ko lubos maisip, ni Lena rin pala.

“Sigurado ka bang sasali ka sa Patingkaran?” tanong ko kay Lena.

“Nisa, huwag kang mag-alala. Kung talagang para kay Berta ang korona, wala akong magagawa. Sapat na sa akin ang maranasan kong lumipad kasama ng mga naggagandahang kalahok ng Patingkaran,” pagpapaliwanag ni Lena na halatang sabik na sabik sa magaganap na patimpalak.

Habang magkahalong pananabik at takot ang nararamdaman ni Lena, si Berta naman ay halos walang bakas ng alinlangan sa hinahangad na pagwawagi.

“Mabuti naman at sumali rin si Lena. Ngayon, talagang mapapatunayan nang ako ang pinakamaganda sa ating balangay,” muli pang pagyayabang ni Berta.

Isang araw bago sumapit ang patimpalak, naging matunog ang usapang si Lena ang tatanghaling Reyna. Isang balitang nakarating kay Berta na labis nitong ikinadismaya. Nagulat na lamang kami nang bigla itong sumugod sa tirahan ni Lena.

“Lena, alam kong alam mo na ako ang mananalong Reyna ng Patingkaran. Sa ganda pa lamang ng pakpak ko, siguradong talo ka na,” sumbat ni Berta habang buong pagmamalaking ikinampay ang kanyang pakpak.

“Naiintindihan kong karanasan lang ang hangad mo. Isang karanasan na maaari mong makuha kahit na hindi ka sumali sa patimpalak na ito. At saka, alam kong hindi mo kayang tumayo nang matagal sa harap ng napakaraming manonood.”

“Kakayanin ko!” ang tanging sagot ni Lena.

Dumating ang araw ng Patingkaran. Higit na napaganda ng lunan ng patimpalak dahil sa iba’t-ibang kulay ng mga rosas, gumamela, santan, at sampaguita. Naroroon ang halos lahat ng mga insektong bahagi ng balangay. Bawat isa’y nananabik masilayan ang mga naggagandahang paru-paro ng balangay.

READ
Thomasians top board exams

Nagsimula nang lumipad-lipad sa harap ng mga manonood ang mga kalahok ng Patingkaran. Malakas ang palakpakan nang lumipad si Berta, ngunit hindi ito maikukumpara sa lakas ng hiyawan nang lumabas si Lena.

Halata ang pagkayamot ni Berta sa reaksyon ng madla. At dahil sa matagal ko na siyang kilala, alam kong hindi siya natutuwa sa mga pangyayari. Natitiyak kong may gagawin siyang hindi maganda.

Pagkatapos ng unang bahagi ng patimpalak, tinungo ko ang silid ng mga kalahok upang kausapin ang aking mga kaibigan.

“Berta, napakaganda ninyo ngayon. Tiyak na isa sa inyong dalawa ni Lena ang magwawaging Reyna. Siya nga pala, nasaan na si Lena?” panimulang sambit ko kay Berta na nagpapahid ng likidong pampatingkad na kanyang pakpak.

“Lumipad papalabas si Lena. May nawawala raw sa kanyang mga gamit. At saka bakit mo naman naisip na magiging ka-kumpetensya ko si Lena? Ako ang anak ng Kabesa. Ako ang karapat-dapat na magtamo ng korona at wala nang iba,” sagot sa akin ni Berta na bahagyang tumaas na ang tono ng boses.

Sasagutin ko sana ang tinuran ni Berta, ngunit bigla siyang lumipad papalabas ng silid nang dumating si Lena. Nawawala ang likidong pampatingkad ng kanyang pakpak. Ayon kay Lena, tiyak raw niyang naroroon pa sa mesa ang likido bago siya magpalit ng damit. At walang iba pang naroroon sa silid ng pagkakataong iyon maliban kay Berta.

Ipinagpatuoy ni Lena ang patimpalak kahit na walang ipinampahid sa pakpak. Sa katunayan, hindi na naman talaga niya kailangan ang pamahid na iyon. Napakatingkad na ng mga kulay na pula at asul ng kanyang pakpak.

Naging kapanapanabik ang takbo ng patimpalak. Mula sa kabuuang bilang na labingdalawa, tatlo na lamang ang mga kalahok na kukunin para sa huling bahagi ng Patingkaran — si Seling, si Lena, at si Berta. Naging mahigpit ang labanan sa pagitan ng dalawa kong kaibigan.

“Hindi natin kailangang makipag-tagisan sa ating kapwa. Hangga’t alam natin ang ating kakayahan at kaya natin itong hasain at paunlarin sa mabuti at tamang paraan, walang magiging malaking hadlang upang makamit ang ating mga hangarin at pangarap.” Kahanga-hanga ang naging sagot ni Lena sa tanong kaugnay sa pakikipag-kumpetensya upang magtagumpay.

READ
SMOKE ALERT

Ang nakabibinging palakpakan ng halos lahat ng insekto sa hardin ay lalong nagpatindi sa pagkayamot ni Berta.

“Berta, ano ang higit na mahalaga para sa iyo, ang pansariling tagumpay o ang isang tapat na pagkakaibigan?” tanong ng tagapagsalita ng timpalak.

Biglang namutla si Berta. Napansin ng lahat ang panginginig ng kanyang mga tuhod at pakpak. Malikot ang galaw ng kanyang mga mata. Tila hinahanap ang sagot mula sa mga insektong nakapaligid. Lumipad si Berta pabalik sa kanyang puwesto ng walang salitang binitawan.

“Binabati kita Lena!” Karapat-dapat kang maging Reyna!” pagmamalaki ko sa aking kaibigan.

Itinanghal na Reyna ng Patingkaran si Lena. Sa labis na pag-aalala, iminungkahi ni Lena na lapitan namin si Berta sa kanyang pagmumukmok.

“Ano nga kaya ang pipiliin ko, pansariling tagumpay o tapat na pagkakaibigan?” tanong ni Berta na inabutan naming kinakausap ang sarili.

“Oo nga naman, bakit hindi ko isinagot ang tagumpay? Iyon naman talaga ang gusto ko. Kaya nga ayokong may nagtatagumpay na iba. Gusto ko, ako lang!” sigaw ni Bertang nagsisimula nang lumuha, isang bagay na ngayon lang namin nasaksihan.

“Tama sila, isip-talangka ako. Isang paru-parong talangka!” sambit ni Berta.

“May pagkakataon ka pa namang itama ang mga nagawa mong mali. Alam kong makakaya mong mahalin at igalang ang iba. Kung sisimulan mong mahalin at totohanang igalang ang kabuuan ng iyong sarili makukuha mong lahat ang iyong mithiin,” wika ni Lena.

“Papaano ko mamahalin ang isang sariling walang ibang hangad kundi ang tagumpay at tagumpay lamang? Alam mo bang ako ang nagtapon ng iyong pamahid sa pakpak noong Patingkaran?”

Niyakap ni Lena si Berta.

“Berta, wala na iyon. Dapat pa nga yata akong magpasalamat sa ginawa mo. Nang mawala ang pamahid na iyon, tumatag ang tiwala ko sa angking ganda ng aking pakpak, sa aking sarili,” paluhang sabi ni Lena sa aming kaibigang lubos ang pagsisisi.

“Patawarin n’yo ako mga kaibigan,” pagsusumamo ni Berta.

“Tara na, sabay-sabay tayong lumipad!” pagyaya ko kina Lena at Berta.

Sabay-sabay naming ikinampay ang aming mga pakpak. At sa kauna-unahang pagkakataon, nakasama naming lumipad si Berta pataas, patungo sa papawirin.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.