Kung mayroon mang matatawag na pinakamasaklap na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas, ito na marahil ang panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nang nilusob ng Hapon ang Maynila noong 1942, maraming buhay at gusali ang gumuho at nawala. Ngunit nag-iwan ang digmaan ng isang mahalagang alaala para sa mga nakaligtas dito. Ang mga alaalang ito ay sinariwa ng kumperensyang “World War II in the Philippines: 60 Years After” sa Tanghalang Teresita Aquino sa Graduate School noong Agosto 16 at 17.
Pagkawasak ng lungsod
Naging saksi si Miguel Bernad, S.J., isang hesuwita at dating punong-patnugot ng Kinaadman, isang pahayagan sa Cagayan de Oro, sa naging kalagayan ng Pilipinas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Naalala pa ni Bernad ang pagkawasak ng isang mahalagang establisimyento sa Maynila, ang Commission on National Language.
“Kakukuha pa lamang ng mga Hapones sa gusali. Sinunog nila ang lahat ng maaaring makita sa establisimyentong yun gaya ng libro at mga akda, na marahil ay likha ng ilang mga Pilipinong iskolar,” ani Bernad. “Theirs are the values of an ignorant conquering army that had no respect for the cultural heritage of a conquered people.”
Naglaho din ang mga produkto ng panahong lumipas—ang sining na namana sa mga Espanyol, mga kasulatan ng mga ninuno at bayani ng lahi, ay unti-unting binura ng Hapon sa ating kasaysayan.
“Matapos ang giyera, lahat ng magagandang lugar sa Maynila gaya ng Intramuros, Ermita, at Malate ay kakikitaan na lamang ng mga labi ng digmaan,” sabi ni Bernad. “Isa lang ang nakaligtas sa Intramuros, ang Agustinian Church. Ngunit gumuho ang priory nito maging ang 300-taong silid-aklatan.”
Ngunit, ayon kay Bernad nagdulot din ng mabuting bagay ang pangyayaring ito sa kaugaliang Pilipino. Natutong gamitin ng tao ang lahat ng maaari nilang pagkunan ng ikabubuhay. Higit sa lahat, napag-ibayo ng digmaan ang pagsasamahan ng pamilya, at pagtutulungan ng mamamayang Pilipino.
Bilang isang tagapamahayag ng relihiyong Kristiyanismo, napansin din ni Bernad na naging malapit ang mga tao sa Panginoon.
“Ipinahiwatig ng digmaan kung gaano kahalaga ang Diyos sa kanilang buhay,” ani Bernad.
Sa lahat ng paghihirap na naganap noong panahon ng digmaan, isa lamang ang napatunayan ni Bernad: “There is no evil that does not result in some good.”
Batas Hapon
Hindi rin makakalimutan ng mga Pilipino ang pamumuno ng mga Hapon. Hindi mawawaglit sa isipan ni Dr. Armand Fabella, dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, ang mga batas na ipinatupad ng puwersang Hapon.
“Pupunta sila sa bahay ninyo at maghahalughog,” ani Fabella. “Kinukumpiska ang ilang mga kahina-hinalang bagay na plano umanong gamitin laban sa mga Hapon.”
Sabi niya, ipinagbawal din ng mga Hapones ang pakikinig sa shortwave broadcast upang maiwasan ang pagsagap ng mga programang kumakalaban sa mga Hapon. Kamatayan ang parusa sa sinumang mahuling sumuway. Ginagamit ang shortwave broadcast upang makapaghatid ng balita, musika, komentaryo at iba pang mga programa sa wikang Ingles sa malalayong lugar.
Ayon kay Fabella, hindi lamang pisikal na abuso ang naranasan ng mga Pilipino sa kamay ng mga mananakop. Nagdulot din sila ng suliranin sa ekonomiya partikular sa pananalapi. Bukod doon, problema rin ang kakulangan sa pagkain.
“Naging alternatibong pagkain ang dry at fresh goods,” sabi ni Fabella. “Puwede kang kumain ng mga gulay gaya ng talbos ng kamote at kangkong.”
Ngunit may mga bahagi ng digmaan ang hindi marahas, ani Fabella. May mga pagkakataong masayang nakibahagi ang mga mananakop sa mga Pilipino.
Pinanabikan ng mga tao noon ang pagpapalabas ng mga pelikula. Noong 1944, natandaan ni Fabellang ipinalabas ang pelikulang Dawn of Freedom, na ginamit bilang propaganda ng mga Hapones upang ipakita ang kabutihan ng mga mananakop at ipakita ang kasamaan ng mga Amerikano.
“’Yun (pelikula) ang tanging pinagsamahan ng mga Hapon at Pilipino, at inilagay sa kahihiyan ang mga Amerikano,” sabi ni Fabella.
Gunita ng isang manunulat
Kilala sa Pilipinas at sa ibang bansa ang manunulat at National Artist for Literature na si Francisco Sionil Jose, alumnus ng College of Philosophy and Letters, dahil sa kanyang mga nobela. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, isa rin siya sa mga nakaranas ng hirap ng digmaan .
Sa kanyang pagtatalakay ng “Filipino Reaction to the Atomic Bomb and the End of the War,” muli niyang ginunita ang kanyang mga sinapit sa kamay ng mga Hapon.
“Hinding-hindi ko ipagdadalamhati ang nangyari sa Hiroshima at Nagasaki,” bungad ni Jose. Naniniwala siyang tama lang na pinasabog ang mga ito dahil naging masama rin naman ang mga Hapon.
“Noong dumating ang mga Amerikano sa Pangasinan, sumapi ako sa kanila dahil sa isang misyon–pumunta sa bansang Hapon at pumatay ng mga Hapones,” salaysay ni Jose.
Kasalukuyang nasa ika-apat na taon sa mataas na paaralan ng Far Eastern University si Jose nang sumiklab ang digmaan. Itinayo ang mga evacuation centers at iba’t ibang kampo bilang paghahanda sa giyera ngunit nawalan ng saysay ang lahat ng mga ito nang dumating ang mga Hapon sa bansa.
“Sinuspinde ang klase sa mga paaralan. Umuwi ako sa bayan ng Rosales sa Pangasinan at doon ko sila nakitang sakay ng mga bisikleta,” sabi ni Jose. “Matapos ang ilang linggo nilang pamimigay ng mga pagkain, nag-umpisa na silang maging malupit. Sinasaktan nila ang sinuman na gagawa ng kahit maliit lamang na pagkakamali.”
Kinuha ng mga Hapon ang ari-arian ng mga Pilipino at pinatay ang mga ito.
Naranasan ni Jose ang matinding hirap at gutom noong mga panahong iyon. Nagkaroon ng kakulangan sa pagkain at gamot kaya nagtiis na lamang siya at ang iba pa sa laman ng niyog upang maibsan ang pangangalam ng sikmura.
Nang patapos na ang gulo, muling nagbukas ang mga paaralan. Noong Hunyo 1944, nagtungo sa Maynila si Jose upang mag-aral ng medisina sa Unibersidad.
“Isang umaga habang nagkaklase kami sa Nippongo, may umatakeng aircraft guns sa Colegio de San Juan de Letran na kalapit ng Unibersidad,” ani Jose. “Nagsigawan sa tuwa ang mga tao dahil alam nilang mga Amerikano ang dumating.”
Sumiklab ang kaguluhan sa Maynila sa pagdating ng mga Amerikano. Muling ipinatigil ang mga klase at nagkulang ang pagkain. Nang lumaon, umalis siya kasama ang kanyang ina at pinsan patungong Pangasinan na nilakad nila ng pitong araw.
Bagaman naranasan ng manunulat ang kalupitan ng mga Hapon, hindi niya ibinaon sa limot ang mga alaala niya dito. “Naging malupit ang mga Hapon pero mayroon din naman silang mga katangiang dapat tularan ng mga Pilipino,” aniya.
Kahit nasakop ng mga taga-Kanluran ang mga Hapon, hindi nila niyakap ang kultura ng mga ito di gaya ng mga Pilipino, sabi ni Jose. Idinagdag pa niyang dahil sa di pagtalikod ng mga Hapon sa kanilang kultura, umunlad ang kanilang bansa.
Sa ika-60 taon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pilipinas, nagsilbing inspirasyon ang karanasan ng ilan sa mga war survivors na bagaman nagmistulang isang malagim na panaginip ang giyera, nagbunga naman ito ng pagpapahalaga sa bayan ng mga Pilipino. Ganoon pa rin kaya tayo hanggang ngayon? Mary Elaine V. Gonda, E. T. A. Malacapo, R. A. R. Pascua
Sanggunian: The Japanese Occupation of the Philippines (Vol. 1) ni A.V.H. Hartendorp at UST in the Twentieth Century ni Josefina Lim Pe