TAG-ARAW na. Dagsaan na naman sa mga kalsada ng Maynila ang mga bagong tapos sa kolehiyo para maghanap ng trabaho. Kabaligtaran ng init na nararanasan nila sa labas ang lamig sa loob ng aircon ng bus na sinasakyan ko.

Napatingin ako sa mga pulang gumamelang nakapinta sa mga haliging sumusuporta sa LRT. Bigla kong naisip ang pagpipinta. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakapagpinta. Lagi kasi akong sinisita ni Daddy noon sa tuwing nakikitang iyon ang ginagawa ko sa halip na mag-aral. Hindi ko raw kasi natututukan ang studies ko.

“Sa’n kayo, ma’am?” muling tanong niya.

“Ha?” tanong ko. Tila wala pa rin ako sa ulirat. Madalas ngayong blangko ang aking isip at nagliliwaliw sa kawalan gaya na lamang sa nangyaring job interview ko kanina.

“Sa’n ho kayo bababa?” muling tanong niya.

“Sa SM Bacoor,” tugon ko. Inabutan niya ako ng limang piraso ng tiket na nagkakahalaga ng P24.

Napatingin ulit ako sa labas. Tumatak sa isipan ko ang tanong ng konduktor. Muli akong nagnilay-nilay.

Nasaan ako? Saan ako bababa? Tama ba ang daang binabagtas ko? Saan ba talaga papunta ang buhay ko?

Napansin kong kamukha ng katabi ko ang nag-interbyu sa akin kanina. Bigla kong naalala ang pag-uusap namin. Sa tingin ko, higit na maayos ang pakikipanayam ko sa kaniya kaysa sa mga naunang interbyu ko sa ibang kumpanya.

“Ms. Mia dela Cruz?” patanong na bati sa akin ng babaeng naroon nang pumasok ako sa opisina.

“Opo,” tugon ko nang may kaba at panlalamig.

“You have a very nice name. Take a seat. I’m Sandra de Leon.”

“You were born on February 24, 1986, right? Interesting,” sabi niya nang may ngiti at titig ng pagkamangha.

“Ms. dela Cruz, you have a very impressive transcript of records. It says here that you graduated cum laude, right?”

“Yes, ma’am.”

“But how come you didn’t join any student organization, neither were you involved in any extracurricular activity?” pag-usisa niya.

READ
Campus journalists told to uphold tenets of craft

Ilang segundo muna akong nag-isip ng magandang maisasagot.

“Ano po kasi… I don’t want the extra work load to interfere with my studies,” tugon ko. Sa katunayan, nais ko talagang sumali noon pa man sa kahit isa sa mga organisasyon sa aming kolehiyo. Ngunit bukod sa pangamba na mawala ako sa Dean’s List, nag-aalinlangan din akong makihalubilo sa mga taong hindi ko kilala.

Marami pang tinanong si Ms. Sandra de Leon ngunit hindi ko na gaano pang inalala ang mga iyon. Huli kong natandaan ang sinabi niyang, “We’ll call you tomorrow or the day after. See you.”

Nawala ulit ako sa aking pagninilay-nilay nang muling huminto ang bus na sinasakyan ko sa panulukan ng Taft at Quirino Ave. Nabulabog ang mga natutulog na pasahero nang sumakay ang isang grupo ng mga nagtatawanang kolehiyala. Naalala ko tuloy noon na nais kong sumama sa mga kaklase kong mahilig magbiruan. Subalit mas pinili ko ang tumutok na lang sa pag-aaral at wala nang iba pa.

Makalipas ang dalawang oras, nakarating din ako sa bahay namin. Napansin kong may puting sobre na nakaipit sa gate. Kinuha ko ito at tiningnan sa likod upang malaman kung kanino galing. Napansin kong may tatak ito ng UST at para sa kapatid kong si Max. Natukso akong buksan ang sobre noong sandaling iyon pero alam kong magagalit si Max sa akin dahil ayaw niyang pinakikialaman ng iba ang kaniyang mga gamit.

Papasok na sana ako sa loob ng bahay nang biglang binuksan ni Daddy ang pinto.

“O, kumusta ang interbyu?” tanong niya, sabay tingin sa orasan.

“Ayun, ayos lang naman,” pagsisinungaling ko.

“Ano ‘yang hawak mo? Patingin.”

Inabot ko sa kanya ang sobre. Binaligtad niya iyon para tingnan kung saan nanggaling at saka binuksan. Matapos basahin ang laman ng sobre, biglang napakunot ang noo ni Daddy. Parang torong may susuwagin siyang nagmadaling pumasok sa bahay at pumunta sa kwarto ni Max. Sinundan ko siya sa takot na baka magkaroon ng wrestling match sa loob ng bahay.

READ
Feast your eyes on IMAX

Tatlong ulit niyang kinalabog ang pintuan ng silid ni Max.

“Max!” sigaw ni Daddy.

Walang sumasagot.

“Karl Maximus!”

“Mia, kunin mo na nga ‘yung susi ng kwarto,” pagalit na utos ni Daddy sa akin. Nanginginig ang aking mga kamay nang iniabot ko sa kanya ang susi ng kwarto ni Max. Ayaw kong nagagalit si Daddy dahil nagiging halimaw siya na nagbabaga ang tainga. Ito ang dahilan kung bakit sinusunod ko na lamang ang mga gusto niya.

Pagkabukas ng pinto, dali-dali niyang pinuntahan si Max habang sumunod naman ako papasok.

“Dad! Bakit?” pagtataka ni Max nang mariin siyang kinalabit ni Daddy. Tinanggal niya ang suot niyang headphones.

“Ano’ng nangyari rito?” Tinutok ni Daddy sa mukha ni Max ang puting papel na naglalaman ng kaniyang mga grado noong nakaraang semestre.

“Eh kasi Daddy…” sabay kamot sa ulo

“Binibigay naman namin ang lahat sa’yo, kaya hindi ko maintindihan bakit pasaway ka pa rin,” sumbat ni Daddy. “Bakit hindi ka na lang gumaya sa Ate mo? Bukod sa matalino na, masipag pang mag-aral.”

“Robot n’yo naman si Mia eh,” pabulong na sinabi ni Max. Ngunit narinig ko ang bawat salitang lumabas sa bibig niya.

“Sige, mamaya pag-usapan ulit natin iyan at mahuhuli na ako. Buksan mo ‘yung gate,” utos ni Daddy kay Max. Bumaba na si Daddy.

“Tsk! Kasi eh,” singhal sa akin ni Max bago siya sumunod pababa.

Nang kinahapunan, nag-text si Daddy sa akin at sinabing gabi na siya makakauwi dahil bumaha sa kaniyang dinadaanan matapos umulan ng malakas. Naghanda na lang ako ng hapunan namin ni Max.

Tahimik kaming kumakain nang bigla niya akong tinanong.

“Kumusta naman, Ate, ‘yung mga kumpanyang pinaghahanapan mo ng trabaho?” aniya.

“Ayun, hindi pa rin sila tumatawag,” sabi ko.

“O? Ilan na ba ‘yung opisinang hindi ka pinababalik?” usisa niya, habang pinipilit itago ang ngiting namumuo sa kanyang mga labi.

READ
No tuneless moaning

“Dalawa pa lang naman. Huwag ka munang magsaya,” sabi ko.

”Gusto mo ba ang magiging trabaho mo kung sakali?” aniya.

Sandali akong hindi nakasagot.

“Para kasing napilitan ka lang, Ate,” dagdag niya. “Wala sa loob mo noon na kumuha ng Commerce. Ngayon naman, napipilitan kang humanap ng trabahong may kaugnayan sa kursong natapos mo.”

“Aba, nag-aalala ka na sa akin ngayon ha,” biro ko.

“Napapansin ko lang kasi na lagi na lang hindi maipinta ang mukha mo,” sagot ng loko.

“Heh,” tugon ko, subalit hindi ko mapigilang mapangiti.

“Bakit kasi, Ate, lagi ka na lang nagkukulong sa sarili mong mundo? Hindi naman masama kung lumabas ka. Makihalubilo ka naman kahit paminsan-minsan lang. Lumabas ka naman sa kahon mo,” sabi niya.

“Ganoon ang palaging ginagawa mo, ‘no? Pakiramdam mo masaya’t malaya ka, pero kinakalimutan mo namang may mga responsibilidad ka. Tuloy, puro bagsak ang mga grado mo.”

“Alam ko naman iyon,” aniya. “Minsan kaya naman ganoon kasi hindi ako makasunod sa mga gusto ni Daddy. Basta ako pa rin naman ang nagpapatakbo ng buhay ko.”

Mabait din pala ang kapatid ko kahit papaano at nag-iisip. Kahit papaano, ipinamulat niya sa akin ang mga pagkukulang ko sa aking sarili.

Matapos kumain, pinag-isipan ko muli ang kalagayan ko at ang talagang gusto ko sa buhay.

Tumunog ang telepono makalipas ang ilang araw. Sinagot ko ito at binati ako ng babaeng nag-interbyu sa akin kamakailan lang. Buong galak niya akong binati ng congratulations dahil tanggap na ako sa kanilang kompanya. Nagbigay siya ng mga panuto sa kung saang opisina hahanapin ang taong dapat kong kausapin. Pero nagpaumanhin ako at binaba ko na ang telepono.

Matapos noon, binalikan ko ang aking pinipinta bago ko sagutin ang telepono. Isa itong bungkos ng sampaguita na puting-puti at kakasibol pa lang.

Sa wakas, ako na ang magpipinta ng sarili kong obra. Joseinne Jowin L. Ignacio

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.