Kabilang ako sa mga salbaheng bata na nakakatanggap ng regalo mula kay Santa Claus. Ninakaw ko ang isang kapares ng puting medyas ni tatay, at ikinawit ito sa labas ng bintana. Mula n’un, nakakatanggap na ko ng kung anu-ano tuwing gigising sa umaga—piso-piso, lima-lima o sampu-sampung barya, at ‘pag tinotopak si Santa—lollipop, Chocnut, at sari-saring kending kumukulay sa dila.
Tuwing tinatanong ako ng mga kapatid ko kung sa’n ko nakukuha ang pambili ng goodies, sinasabi kong galing kay Santa, kahit hindi ako siguradong mayroon nga. Parang pinaglalaruan lang kasi ako ni kuya. Tuwing magkikita-kita kasi sila ng mga ate kong umuuwi galing Maynila, pinagkukuwentuhan nila kung ga’no ‘ko kakulit at ka-uto-uto. Dahil pangalawa ako sa bunso sa anim na magkakapatid, hindi muna ‘ko papalag sa kanila hangga’t ‘di pa ‘ko tuli. Wala rin akong pakialam kung ‘di sila maniwala na nanggagaling sa kung sinong Santa Barbara o Santa Santita ang pera’t mga kendi ko.
Kahit sa eskwelahan, wala akong mapapaniniwala sa kuwento kong may “Santa” na nagsisilid ng regalo sa medyas. Maaari akong maglabas ng ilang barya para makahanap ng kausap, pero hindi ng mapapatango tungkol sa aking mga diliryo.
Minsan, gusto ko ring itanong sa mga magulang ko kung naniniwala sila kay Santa. Ngunit madalas, abala si nanay sa pagluluto tuwing uuwi ako sa bahay. At dahil sa bango ng niluluto niya, nakakalimutan ko tuloy ang magtanong. Sa halip, ang ulam namin ang pinapansin ko. Si tatay naman, pagod na tuwing uuwi. At maliban sa kaning lamig at tira-tirang ulam, problema n’ya kung pa’no babayaran ang mataas naming kuryente—salamat sa madalas na pagvi-videoke ni ate at panonood ng bold ni kuya.
Dahil matanda na si tatay at ‘di makahanap ng permanenteng trabaho, nangongontrata siya sa construction, nag-aahente ng insurance, namamasada ng FX sa Cubao, at nagluluto ng mga mairarasyong tinapay. Kahit hindi kami nakakapagkwentuhan, wala akong maipagtatampo sa kanya; maliban na lang sa parati niyang panghihiram ng medyas nang walang paalam.
Tulad nu’ng Lunes, nang mamasada s’ya ng FX, suot n’ya ang asul kong medyas na may Sponge Bob sa gilid. Ipinares n’ya ‘yun sa pulang medyas ni Ate na may Cookie Monster naman. Madaling-araw pa nang umalis s’ya, kaya ‘di ko na s’ya nasita. Nalaman ko na lang nang napansin kong malaki ang ikinaluwag ng kanan sa kaliwa. Iyon din ang reklamo ni ate.
Nu’ng Martes naman ng gabi, nakita ko ang dilaw kong Mike (imitation ng “Nike”) sa mga bota ni tatay. Marami nang tilamsik ng putik at buhangin ang mga medyas ko.
Huwebes naman nang matagpuan ko sa kaliwa ng kanyang puting rubber shoes ang berde kong medyas na may polka-dots. Nasa kanan ng rubber shoes ang puting medyas ni kuya.
Nu’ng nakaraang Sabado, hinubad n’ya ang mga itim kong Burlington na kapwa basang-basa ng pawis nang ipinatong niya sa ibabaw ng kanyang itim na sapatos. Tuliro siya’t ‘di kinikibo ang kanyang pagkain kahit mainit pa ito nang dumating siya. Nakailang beses na raw s’yang tinanggihan ng mga kliyente niya sa insurance. Nasira pa ang FX na pinapasada niya, at katatapos pa lamang ng kontrata niya sa construction.
Kinabukasan, Linggo, halos maubos namin sa pamimili ng mga damit ang naipon niya mula sa natapos na kontrata. Hindi n’ya kami sinamahan sa department store, ngunit nang nagkita kami, nakangiti na sya’t tila gaganahan na namang kumain. Nakakita na raw s’ya ng trabaho.
Kaya naman, ngayong linggo, parang laging “walking in winter wonderland” si tatay. Araw-araw siyang may uwing isang dosenang “pasalubong ng bayan”, at naaabutan na niyang mainit ang sabaw ni nanay. ‘Pag kinakamusta namin siya tungkol sa bago niyang trabaho, wala naman daw siyang problema dahil kumikita siya ng malaki kahit maghapon lang siyang nakaupo.
Habang masaya ang lahat dahil may trabaho na ulit si tatay ngayong magpa-pasko, malungkot naman ako dahil wala na ang medyas ko sa bintana nang tinignan ko ito kaninang umaga. Huwebes pa naman ngayon, bisperas ng pasko.
Nitong Lunes lang, may isang pulang laruang tren ang nakasilid sa aking medyas, at nu’ng Martes, nabutas ito ng isang laruang espada. Tatahiin ko pa naman sana ‘yon kahapon, kaso baka nahulog ito sa labas at tinangay na ng aso.
Tinanong ko si nanay at lahat ng mga kapatid ko kung nakita nila ang medyas, pero wala talaga. Hindi ko naman natanong si tatay bago siya umalis.
Habang natutulog ako kagabi, may narinig akong kumakaluskos sa bintana. Bahagya akong napadilat, at may nakita akong matabang mamang naka-pula at may puting balbas na nagsasabit ng malaking medyas sa bintana. Hindi ko ito pinansin dahil inakala kong nanaginip lang ako, pero paggising ko kanina, nagulat ako sa nakita ko. Tunay nga na may nakasabit na medyas sa’king bintana. Laman nito ang isang laruang robot na de-baterya at umiilaw-ilaw pa ang mga mata.
Pumunta ako sa sala para tanungin kung sino ang nagbigay ng laruan, ngunit bago pa man ako maka-porma ng pagtatanong, nakita kong pareho kami ng laruan ng bunso kong kapatid. Yun nga lang, Mask Rider Black ang sa kanya, at Mask Rider White ang sa’kin.
Nang tinanong ko s’ya kung sa’n galing ang laruan n’ya, agad n’yang sinabing, “kay Santa,” sabay turo sa kuwartong katapat niya.
Pinasok ko ang kuwarto. Wala akong nakitang Santa, pero nandu’n ang hinanap kong medyas. Muli, may laman na naman itong regalo—nakadungaw sa butas ng medyas ang matabang hinlalaki ng regalo ko.
Si tatay ‘yun, naghihilik. Napagod sa pagpapa-picture kasama ng mga bata sa mall.