ISA SA mga pangunahing pagkakaiba ng tao sa hayop ang kakayahan niyang makapagsalita. Sa pamamagitan ng komunikasyon, naipapahayag niya ang kanyang mga ideya at saloobin. Subalit pwede ring maging makapangyarihang sandata ang wika upang wasakin ang kanyang kapwa.

Sa isang seminar, “Pulitika ng Wika: Dekonstruksyon, Ilusyon, Imahinasyon,” noong Agosto 19 sa St. Raymund’s Building, tinalakay ni Dr. Pamela Constantino, isang tanyag na linggwista at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, ang halaga ng wika sa lipunan.

Binigyang-diin ni Constantino na hindi maikakailang hindi ginagamit na midyum ang Filipino sa pagtuturo at mga transaksyon sa negosyo bagaman ito ang pambansang wika.

Ayon kay Constantino, “Sagisag ang pagturing sa wikang pambansa habang lisensiya naman ang turing sa wikang dayuhan.”

Ipinaliwanag ni Constantino na mas madalas gamitin ang Pambansang Wika sa mga usaping pulitikal gaya ng pangangampanya tuwing eleksyon at talumpati ng Pangulo sa mga mahahalagang okasyon. Sa mga ganitong sitwasyon, mas kinakailangan ng mga pulitiko na maunawaan ng masang Pilipino ang kanilang mga sinasabi.

“Nasa wika ang mga konsepto o kaisipan na bumubuo sa lawak ng gawaing pulitikal kaya naman ginagamit ito para magkaroon ng political control,” ani Constantino.

Dahil sa wikang ginagamit ng mga pulitiko, nagkaroon ng kamalayan ang mga Pilipino sa mga nagaganap sa gobyerno. Maririnig sa anumang lugar ang mga nagbabagang isyu tungkol sa pamahalaan gayundin sa mga pulitiko. Sa radyo, telebisyon at kahit na sa mga mumunting tindahan, iisa ang bukambibig ng mga tao—pulitika.

“Talamak ang pulitika sa’ting bansa. Tila nasa dugo na ng mga Pilipino ang pag-usapan ang mga isyung may kinalaman sa’ting gobyerno,” sabi ni Constantino.

READ
UST, bumandera sa board exams

Taglay ng wika ang kakayahang baguhin ang paniniwala ng isang indibidwal. Sa pakikipag-ugnayan gamit ang wika, maraming bagay ang maaaring magbago. Maaari ring magkaroon ng iba’t ibang kahulugan ang mga salita depende sa pagkakagamit nito.

“Ang anumang kapangyarihan o puwersa ng wika ay itinalaga ng institusyong sosyal,” ani Constantino.

Sa pamamagitan ng pagbibigay ng panibagong kahulugan sa isang salita o pag-uugnay nito sa isang isyu, nagkakaroon ito ng kabuluhan sa lipunan.

“Natatago ang katotohanan sa salita,” ani Constantino. “Nagagawang kutyain ng mga Pilipino ang mga pulitiko sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga pangalang akma sa kanilang pagkatao.”

Isang halimbawang binigay ni Constantino ang “Philippines 2000”. Nang tinanong niya ang mga Tomasino hinggil dito, maraming mga mag-aaral na agad ikinabit ang terminolohiya kay dating Pangulong Ramos dahil sa naging programa niya ito noong panahon ng kanyang panunungkulan. Ngunit, lingid sa kaalaman ng nakararami, industrialization ang tunay na kahulugan ng “Philippines 2000” ayon kay Constantino.

Pagpapatunay lamang ito na mas matindi pa sa tunay na sandata ang wika. Kaya nitong sumugat ng damdamin, bumago ng mga paniniwala at itago ang katotohanan.

Sa ngayon, marami pang mga salitang maririnig na nagtataglay ng malalalim na kahulugan. Kakabit na ng wika ang kapangyarihang kontrolin ang isipan ng mga tao kaya hindi na maiaalis ang paggamit nito upang itago ang katotohanan at bigyan ng iba’t ibang kahulugan ang mga salita. Hawak ng tao ang susi kung papaano mapabuti ang lipunan—ang wika.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.