Minsan mong sinabi, aming guro
na mistulang
cola na mula sa butas na
bote ang ating wika—
malaya kung umagos.
Gaya ng agarang pagsalin ng softdrink sa baso,
inilagay mo sa aming uhaw na isipan
ang iyong punto’t salita
sa pagnanais na ito’y aming matikman
at malasap ng pilipit naming dila,
kasabay ang pagdaloy ng
salaysay at kahulugan mula
sa iba’t ibang lugar at panahon.
Ngunit ngayon, aming guro,
may nakalutang na katanungan
sa isipan:
Sapat ba ang ibinales mong paglalagom
gayong ikaw, gaya namin,
nagtataglay din ng munting bukalan na
hindi kailanman sasapat na paglagyan ng—
umaagos na wika?
Leonard James D. Postrado