SA PERYODISMO, higit na malaki ang pagkakaiba ng balita sa opinyon. Ito marahil ay dapat na masalamin hindi lamang sa mga pahayagan sa bansa kundi lalo na sa lumalaking sakop ng telebisyon at radyo.

Malaki na ang ipinagbago ng pamamaraan ng pamamahayag sa telebisyon sa kasalukuyan. Kung mapupuna ng manonood at bubusisiing mabuti kung paano inihahatid ng anchors ang mga balita, ilan sa kanila ay pinaghahalo ang balita sa personal nilang kuro-kuro. Ito ay malayo sa nakasanayang pamamahayag kung saan ang anchor ay tapat na nag-uulat ng mga mahahalagang balita sa buong araw.

Nakababahala na mismong ang mga mamamahayag pa ang nangunguna sa ganitong maling kasanayan. Kung tutuusin, sila ang may sapat na kaalaman ukol sa malinaw na pagkakaiba ng balita at opinyon bilang bahagi ng kanilang pag-aaral bago sumabak sa kanilang napiling larangan.

Ilan pa sa kanila ay labis bumatikos sa pamahalaan ngunit kung susuriin ang kanilang pinagmulan, nanggaling din sila sa parehong posisyon. Bakit hindi nila nagawa ang mga “pagbabago” noong sila pa ang nasa katungkulan?

Marapat lamang nating ipagpalagay na ang telebisyon at radyo ay ang kasangkapan ng sambayanan upang ipahayag nito ang kanilang hinain sa pamahalaan, ngunit hindi dapat ito ipagkalito sa pagbabalita. Kung kaya’t may mga programa sa telebisyon at radyo na nakatuon sa mga komentaryo upang magsilbing tulay sa pagkakaiba ng opinyon at balita.

May kakayahang hubugin ng media ang opinyon ng masa. Kaya’t anuman ang marinig o mapanood ng mga tao mula rito ay maaaring makaapekto kung paano nila tinitingnan at papanigan ang isang isyu.

READ
Tatlong alumni, pinarangalan ng 'Q' award

Isang malinaw na halimbawa nito ay ang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona. Karamihan sa mga Pilipino ang nagalit kay Corona dulot ng negatibong pagbabalita sa kaniya sa telebisyon. Lalo pa itong pinaigting ng mga komentaryo mula sa mga mamamahayag kaya kahit ang isang ordinaryong Pilipino na hindi naman malinaw sa kaniya ang naturang isyu ay nagpapadala na lamang sa agos ng emosyon ng nakararami.

Hindi dapat maging lingid sa kaalaman ng bawat mamamahayag ang kapangyarihang taglay ng media. Marapat lamang nilang alalahanin ang kanilang limitasyon.

***

Tuwing sasapit ang Agosto, ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika; ngunit dapat natin tanungin sa ating mga sarili kung naisasabuhay nga ba natin ang ating pagka-Pilipino sa pamamagitan ng pagtangkilik sa ating sariling wika.

Nakalulungkot isipin na karamihan sa mga Pilipino ang hindi magawang maipagmalaki ang sariling wika, bagkus ay gumagamit pa ng mga banyagang wika upang maipamalas ang higit nilang kaangatan kaysa kapuwa nila Pilipino.

Malinaw na nakasaad sa Artikulo 14, Seksyon 3 ng 1987 Konstitusyon na “ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang ito ay dapat na payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang mga wika.”

Bukod sa mga layuning isinasakatuparan ng Komisyon sa Wikang Filipino upang maitaguyod ang ating wika, dapat magsimula ito sa ating mga sarili.

Isang hamon ito sa bawat Pilipino na paunlarin ang sariling wika natin.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.