Wednesday, May 1, 2024

Tag: Agosto 26, 2011

Tinoko Park, giniba para sa Rosarium

TULUYAN nang giniba ang Tinoko Park upang bigyang-daan ang pagpapatayo ng “Rosarium” o rosary garden, na kabilang sa mga proyekto para sa Quadricentennial celebration ng Unibersidad.

Matapos ang ilang pagpupulong at konsultasyon mula sa mga opisyal ng Unibersidad at Central Student Council (CSC) Board of Speakers, umusad na ang planong pagpapatayo ng rosary garden noong Hulyo 26.

Ang Rosarium ay ipatatayo bilang pagpupugay din sa Our Lady of the Holy Rosary.

Kabilang sa mga pasilidad na gagawin sa Rosarium ay ang adoration at prayer rooms na maaaring gamitin ng mga mag-aaral.

Ayon kay CSC board speaker Randolph Clet, bago maaprubahan ang paggawa ng rosary garden, binalak ng CSC na ayusin ang Tinoko Park upang gawin itong freedom park.

AB, Commerce, ‘styro-free’ na rin

IPINATUPAD na rin ang styro-free campaign sa St. Raymund’s Building bilang pagsunod sa malawakang kampanya na mabawasan ang paggamit nito sa Unibersidad.

Nagsanib-puwersa ang mga student council ng Faculty of Arts and Letters at College of Commerce and Business Administration upang isulong ang pagbabawas ng mga styrofoam-based na produkto sa gusali.

“Makatutulong [ang kampanya] sa pangkabuuang pagpapaganda ng ating Unibersidad dahil ang pagbabago ay hindi maaaring pang-maramihan kaagad,” ani Rhodel Sazon, vice president for external affairs ng Artlets Student Council. “Sinisimulan natin ito mula sa isang maliit na yunit hanggang sa ang buong populasyon na ng [mga] Tomasino ang nakikipagtulungan sa atin.”

Bagong ID, bumabati ng ‘Happy birthday!’

SA IYONG kaarawan, isang pagbati ang iyong matatanggap matapos i-swipe and identification card o ID sa pasukan ng anumang gusali sa Unibersidad.

Ngunit hindi sa security guard o kung kanino pa man magmumula ang pagbati dahil mismong sa locator maririnig ang boses-lalaking pagbati mula sa isang computer-generated program. Ito ay handog ng Santo Tomas e-Service Providers (STePs).

“Dapat nga pag-tap mo ng [ID], kakanta pa ng ‘Happy Birthday [song],’ dapat ‘yung magugulo pa ‘yung buong mundo,” pabirong sinabi ni Polly Blanco, assistant director para sa software development and applications ng STePs.

Campus, nais maging isang ‘sacred ground’

BINATIKOS man noon sa kaniyang Facebook campaign laban sa Reproductive Health (RH) bill ay hindi pa rin nagpapatinag ang propesor sa teolohiya na si Aguedo Florence Jalin, na ngayon ay naglunsad ng isang signature campaign upang ideklara ang UST na “sacred grounds for life.”

Sa tulong ng kaniyang siyam na klase, si Jalin ay naglalayong makalikom ng 40,000 na pirma mula sa mga Tomasino.

Ngunit hindi niya ito nilimitahan sa mga guro at estudyante dahil maaari ding pumirma ang mga non-academic employee, tindero, utility personnel, at iba pang manggagawa sa Unibersidad.

Ang mga nalikom na pirma ay ibibigay kay P. Rolando de la Rosa, O.P., Rektor ng UST, upang hikayatin siyang ideklara ang Unibersidad bilang “sacred grounds for life.”

Thomasian Freshmen Walk, umusad na

MATAPOS ang dalawang beses na pagpapaliban sa taunang Thomasian Welcome Walk, umusad ito sa wakas sa Plaza Mayor noong Agosto 5.

Ang taunang tradisyon ng pagmamartsa ng mga freshmen sa ilalim ng Arch of the Centuries ay pormal na naituloy matapos itong ilipat mula sa orihinal na petsa na Hunyo 23 at Hulyo 29 dahil sa pananalanta ng mga bagyo.

Ani Evelyn Songco, Assistant to the Rector for Student Affairs, naisagawa nang maayos ang Thomasian Welcome Walk kahit ito ay “minadali.”

“Kung hindi natin itinuloy ang tradisyong ito noong araw na iyon, kailan pa?” aniya.

Tomasino, bagong hukom sa Supreme Court

ISA PANG Tomasino ang naidagdag sa hanay ng mga pinakamatataas na mahistrado sa bansa.

Hinirang ni Pangulong Benigno Aquino III si Court of Appeals (CA) Justice Bienvenido Reyes bilang bagong associate justice ng Korte Suprema noong Agosto 16, kahalili ni Justice Antonio Eduardo Nachura na nagretiro noong June 13.

Nagtapos ng Bachelor of Arts si Reyes sa Faculty of Arts and Letters noong 1967 at nagtapos ng abogasya sa San Beda College noong 1971.

Si Reyes, chair ng ikatlong dibisyon ng CA, ay naging presiding judge ng Malabon City Regional Trial Court noong 1990 at nailuklok sa CA noong 2000.

Personal accident insurance, ipagkakaloob sa bawat Tomasino

MABIBIGYAN na ng insurance program ang bawat mag-aaral, propesor, pari, at iba pang empleyado ng UST, alinsunod sa memorandum na inilabas ng Office of the Vice Rector for Finance.

Kasama sa naturang insurance ang pinansyal na suporta sa pagkamatay, pagka-aksidente, pagpapa-ospital, pagpapalibing, at iba pang cash assistance benefit.

Ayon kay Leonardo Syjuco, assistant treasurer ng Office of the Vice Rector of Finance, ang pagkuha ng insurance program ay “para ma-standardize ang tulong na maibibigay sa mga estudyante, propesor at staff kapag sila ay naaksidente.”

Ang nasabing insurance program ay epektibo simula ngayong taon.

Language laboratory, binuksan sa CTHM

Nanguna ang College of Tourism and Hospitality Management sa paglunsad sa kaunaunahang asignaturang Tourism and Hospitality English sa buong mundo at ang kauna-unahang language laboratory sa Unibersidad.

“You are in the 21st century, you are the digital age,” ani Joy Perilla, tagapagsalita ng Microdata sa CTHM nang magkaroon ng blessing sa bagong gawang e-classroom na language laboratory sa Albertus Magnus Building.

Sabi ni Sheryll Sampang, guro ng Inges sa College of Tourism and Hospitality Management at ang namuno sa paglulunsad ng Toursim and Hospitality English na kurso, “This is the first language laboratory in the University.”

Architecture, babawasan ng mga units

BABAWASAN ng halos siyam na units ang kasalukuyang kurikulum ng College of Architecture simula sa susunod na taon.

Ayon kay John Joseph Fernandez, dekano ng College of Architecture, tatanggalin ang mga asignaturang Statistics at Professional Practice 4 dahil “hindi na ito kailangan.”

“Pagkatapos isagawa ang survey sa mga estudyante, guro, at alumni, natuklasan naming mukhang hindi na kailangan ang mga [naturang asignatura]. Kaya tatanggalin na lang namin [ang mga] ‘yun,” ani Fernandez.

LATEST